1 Ako'y nakipagtipan sa aking mga mata; paano nga akong titingin sa isang dalaga? 2 Sapagka't ano ang bahagi sa ganang akin sa Dios mula sa itaas, at ang mana sa Makapangyarihan sa lahat mula sa kaitaasan? 3 Hindi ba kasakunaan sa liko, at kasawiang palad sa mga manggagawa ng kasamaan? 4 Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad, at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?
5 Kung ako'y lumakad na walang kabuluhan, at ang aking paa ay nagmadali sa pagdaraya; 6 (Timbangin ako sa matuwid na timbangan, upang mabatid ng Dios ang aking pagtatapat;) 7 Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan, at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata, at kung ang anomang dungis ay kumapit sa aking mga kamay: 8 Kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang kanin ng iba; Oo, bunutin ang bunga ng aking bukid.
9 Kung ang aking puso ay napadaya sa babae, at ako'y bumakay sa pintuan ng aking kapuwa: 10 Kung magkagayo'y iba ang ipaggiling ng aking asawa, at iba ang yumuko sa kaniya. 11 Sapagka't iya'y isang mabigat na sala; Oo, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom: 12 Sapagka't isang apoy na namumugnaw hanggang sa pagkapahamak, at bubunutin ang lahat ng aking bunga.
13 Kung hinamak ko ang katuwiran ng aking aliping lalake o aliping babae, nang sila'y makipagtalo sa akin: 14 Ano nga ang aking gagawin pagka bumabangon ang Dios? At pagka kaniyang dinadalaw, anong isasagot ko sa kaniya? 15 Hindi ba siyang lumalang sa akin sa bahay-bata ang lumalang sa kaniya; at hindi ba iisa ang humugis sa atin sa bahay-bata?
16 Kung pinagkaitan ko ang dukha sa kanilang nasa, o pinangalumata ko ang mga mata ng babaing bao: 17 O kumain akong magisa ng aking subo, at ang ulila ay hindi kumain niyaon; 18 (Hindi, mula sa aking kabataan ay lumaki siyang kasama ko, na gaya ng may isang ama, at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng aking ina;) 19 Kung ako'y nakakita ng sinomang nangangailangan ng kasuutan, o ng mapagkailangan ng walang kumot; 20 Kung hindi ako pinagpala ng kaniyang mga balakang, at kung siya'y hindi nainitan ng balahibo ng aking mga tupa: 21 Kung binuhat ko ang aking kamay laban sa ulila, sapagka't nakita ko ang tulong sa akin sa pintuang-bayan: 22 Kung nagkagayo'y malaglag ang aking balikat sa abot-agawin, at ang aking kamay ay mabali sa buto. 23 Sapagka't ang kasakunaang mula sa Dios ay kakilabutan sa akin, at dahil sa kaniyang karilagan ay wala akong magawa.
24 Kung aking pinapaging ginto ang aking pagasa, at sinabi ko sa dalisay na ginto, ikaw ay aking tiwala; 25 Kung ako'y nagalak sapagka't ang aking kayamanan ay malaki, at sapagka't ang aking kamay ay nagtamo ng marami; 26 Kung ako'y tumingin sa araw pagka sumisikat, o sa buwan na lumalakad sa kakinangan; 27 At ang aking puso ay napadayang lihim, at hinagkan ng aking bibig ang aking kamay: 28 Ito may isang kasamaang marapat parusahan ng mga hukom: sapagka't itinakuwil ko ang Dios na nasa itaas.
29 Kung ako'y nagalak sa kasakunaan niyaong nagtatanim ng loob sa akin, o nagmataas ako ng datnan siya ng kasamaan; 30 (Oo, hindi ko tiniis ang aking bibig sa kasalanan sa paghingi ng kaniyang buhay na may sumpa;) 31 Kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi, sinong makakasumpong ng isa na hindi nabusog sa kaniyang pagkain? 32 Ang taga ibang lupa ay hindi tumigil sa lansangan; kundi aking ibinukas ang aking mga pinto sa manglalakbay, 33 Kung aking tinakpan na gaya ni Adan ang aking mga pagsalangsang, sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan; 34 Sapagka't aking kinatakutan ang lubhang karamihan, at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan. Na anopa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan? 35 O mano nawang may duminig sa akin! (Narito ang aking tala, sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat;) At mano nawang magkaroon ako ng sumbong na isinulat ng aking kaaway! 36 Tunay na aking papasanin ito sa aking balikat; aking itatali sa akin na gaya ng isang putong. 37 Aking ipahahayag sa kaniya ang bilang ng aking mga hakbang, gaya ng isang pangulo na lalapitan ko siya.
38 Kung ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na magkakasama; 39 Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko ang buhay ng mga may-ari niyaon:
40 Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos.