1 Sa gayo'y ang tatlong lalaking ito ay nagsitigil ng pagsagot kay Job, sapagka't siya'y matuwid sa kaniyang sariling paningin. 2 Nang magkagayo'y nagalab ang poot ni Eliu, na anak ni Barachel na Bucita, na angkan ni Ram: laban kay Job ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't siya'y nagpapanggap na ganap kay sa Dios. 3 Laban din naman sa kaniyang tatlong kaibigan ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't sila'y hindi nakasumpong ng sagot, at gayon man ay nahatulan si Job. 4 Si Eliu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagka't sila'y matanda kay sa kaniya. 5 At nang makita ni Eliu na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito, ay nagalab ang kaniyang poot.
6 At si Eliu na anak ni Barachel na Bucita ay sumagot at nagsabi, Ako'y bata, at kayo'y totoong matatanda; kaya't ako'y nagpakapigil at hindi ako nangahas magpatalastas sa inyo ng aking haka. 7 Aking sinabi, Ang mga kaarawan ang mangagsasalita, at ang karamihan ng mga taon ay mangagtuturo ng karunungan. 8 Nguni't may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa. 9 Hindi ang dakila ang siyang pantas, ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng kahatulan. 10 Kaya't aking sinabi, Dinggin ninyo ako; akin namang ipakikilala ang aking haka.
11 Narito, aking hinintay ang inyong mga salita, aking dininig ang inyong mga pangangatuwiran, samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi. 12 Oo, aking inulinig kayo, at, narito, walang isang makahikayat kay Job, o sa inyo'y may makasagot sa kaniyang mga salita. 13 Magbawa nga kayo, baka kayo'y magsabi, Kami ay nakasumpong ng karunungan; madadaig ng Dios siya, hindi ng tao; 14 Sapagka't hindi itinukoy ang kaniyang mga salita sa akin; ni hindi ko sasagutin siya ng inyong mga pananalita.
15 Sila'y nangalito, sila'y hindi na nagsisagot pa; Sila'y walang salitang masabi, 16 At ako ba'y maghihintay, sapagka't sila'y hindi nangagsasalita, sapagka't sila'y nangakatigil, at hindi na nagsisisagot. 17 Ako nama'y sasagot ng ganang akin, akin namang ipakikilala ang aking haka. 18 Sapagka't ako'y puspos ng mga salita; ang diwa na sumasaloob ko ay pumipigil sa akin, 19 Narito, ang aking dibdib ay parang alak na walang pahingahan: parang mga bagong sisidlang-balat na handa sa pagkahapak. 20 Ako'y magsasalita, upang ako'y maginhawahan: aking ibubuka ang aking mga labi at sasagot ako. 21 Huwag itulot sa akin na pakundanganan ko, isinasamo ko sa inyo, ang pagkatao ninoman; ni gumamit man sa kanino man ng mga pakunwaring papuring salita. 22 Sapagka't hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring papuring salita; na kung dili ay madaling papanawin ako ng Maylalang sa akin.