1 At muling ipinagbadya ni Job ang kaniyang talinghaga, at nagsabi,
2 Oh ako nawa'y napasa mga buwan noong dakong una, gaya noong mga kaarawan ng binabantayan ako ng Dios; 3 Nang ang kaniyang ilawan ay sumisilang sa aking ulo at sa pamamagitan ng kaniyang liwanag ay lumalakad ako sa kadiliman; 4 Gaya noong ako'y nasa kabutihan ng aking mga kaarawan, noong ang pagkasi ng Dios ay nasa aking tolda; 5 Noong ang Makapangyarihan sa lahat ay sumasaakin pa, at ang aking mga anak ay nangasa palibot ko; 6 Noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng mga ilog ng langis! 7 Noong ako'y lumalabas sa pintuang-bayan hanggang sa bayan, noong aking inihahanda ang aking upuan sa lansangan, 8 Nakikita ako ng mga binata, at nagsisipagkubli, at ang mga matanda ay nagsisitindig at nagsisitayo: 9 Ang mga pangulo ay nagpipigil ng pangungusap, at inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig; 10 Ang tinig ng mga mahal na tao ay tumatahimik, at ang kanilang dila ay dumidikit sa ngalangala ng kanilang bibig. 11 Sapagka't pagka naririnig ako ng pakinig, ay pinagpapala nga ako; at pagka nakikita ako ng mata, ay sumasaksi sa akin: 12 Sapagka't aking iniligtas ang dukha na dumadaing, ang ulila rin naman na walang tumutulong sa kaniya. 13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay ay sumaakin: at aking pinaawit sa kagalakan ang puso ng babaing bao. 14 Ako'y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema. 15 Ako'y naging mga mata sa bulag, at naging mga paa ako sa pilay. 16 Ako'y naging ama sa mapagkailangan; at ang usap niyaong hindi ko nakikilala ay aking sinisiyasat. 17 At aking binali ang mga pangil ng liko, at inagaw ko ang huli sa kaniyang mga ngipin. 18 Nang magkagayo'y sinabi ko, mamamatay ako sa aking pugad, at aking pararamihin ang aking mga kaarawan na gaya ng buhangin: 19 Ang aking ugat ay nakalat sa tubig, at ang hamog ay lumalapag buong gabi sa aking sanga: 20 Ang aking kaluwalhatian ay sariwa sa akin, at ang aking busog ay nababago sa aking kamay.
21 Sa akin ay nangakikinig ang mga tao, at nangaghihintay, at nagsisitahimik sa aking payo. 22 Pagkatapos ng aking mga salita ay hindi na sila nagsasalita pa uli; at ang aking pananalita ay tumutulo sa kanila. 23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinubuka ang kanilang bibig na maluwang na gaya sa huling ulan. 24 Ako'y ngumingiti sa kanila pagka sila'y hindi nanganiniwala: at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila hinahamak. 25 Ako'y namimili sa kanilang daan, at nauupong gaya ng puno, at tumatahang gaya ng hari sa hukbo, gaya ng nangaaliw sa nananangis.
1 Nguni't ngayo'y silang bata kay sa akin ay nagsisitawa sa akin, na ang mga magulang ay di ko ibig na malagay na kasama ng mga aso ng aking kawan. 2 Oo, ang kalakasan ng kanilang kamay, sa ano ko mapapakinabangan? Mga taong ang kalusugan ng gulang ay lumipas na. 3 Sila'y lata sa pangangailangan at sa kagutom; kanilang nginangata ang tuyong lupa, sa kadiliman ng kasalatan at kapahamakan. 4 Sila'y nagsisibunot ng mga malvas sa tabi ng mabababang punong kahoy; at ang mga ugat ng enebro ay siyang kanilang pinakapagkain. 5 Sila'y pinalayas mula sa gitna ng mga tao; sila'y sumisigaw sa likuran nila, na gaya ng sa likuran ng isang magnanakaw. 6 Upang sila'y magsitahan sa nakatatakot na mga libis, sa mga puwang ng lupa, at ng mga bato. 7 Sa gitna ng mabababang punong kahoy ay nagsisiangal; sa ilalim ng mga tinikan ay nangapipisan. 8 Mga anak ng mga mangmang, oo, mga anak ng mga walang puring tao; sila'y mga itinapon mula sa lupain.
9 At ngayon ay naging kantahin nila ako, Oo, ako'y kasabihan sa kanila. 10 Kanilang kinayayamutan ako, nilalayuan nila ako, at hindi sila nagpipigil ng paglura sa aking mukha. 11 Sapagka't kinalag niya ang kaniyang panali, at pinighati ako, at kanilang inalis ang paningkaw sa harap ko. 12 Sa aking kanan ay tumatayo ang tanga; itinutulak nila ang aking mga paa, at kanilang pinapatag laban sa akin ang kanilang mga paraan ng paghamak. 13 Kanilang sinisira ang aking landas, kanilang isinusulong ang aking kapahamakan, mga taong walang tumulong. 14 Tila dumarating sila sa isang maluwang na pasukan: sa gitna ng kasiraan ay nagsisigulong sila. 15 Mga kakilabutan ay dumadagan sa akin, kanilang tinatangay ang aking karangalan na gaya ng hangin; at ang aking kaginhawahan ay napaparam na parang alapaap.
16 At ngayo'y nanglulupaypay ang aking kaluluwa sa loob ko; mga kaarawan ng pagkapighati ay humawak sa akin. 17 Sa gabi ay nagaantakan ang aking mga buto, at ang mga antak na nagpapahirap sa akin ay hindi nagpapahinga. 18 Sa matinding karahasan ng aking sakit ay nagiging katuwa ang aking suot: tumatali sa akin sa palibot na gaya ng leeg ng aking baro. 19 Inihahagis niya ako sa banlik, at ako'y naging parang alabok at mga abo. 20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot: ako'y tumatayo, at minamasdan mo ako. 21 Ikaw ay naging mabagsik sa akin: sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong kamay ay hinahabol mo ako. 22 Itinataas mo ako sa hangin, pinasasakay mo ako roon; at tinutunaw mo ako sa bagyo. 23 Sapagka't talastas ko na iyong dadalhin ako sa kamatayan, at sa bahay na takda sa lahat na may buhay.
24 Gayon man ang isa ay di ba naguunat ng kamay sa kaniyang pagkahulog? O sa kaniyang kasakunaan kung kaya sisigaw ng tulong? 25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan? Hindi ba ang aking kaluluwa ay nakikidamay sa mapagkailangan? 26 Pagka ako'y humahanap ng mabuti, ang kasamaan nga ang dumarating: at pagka ako'y naghihintay ng liwanag ay kadiliman ang dumarating. 27 Ang aking puso'y nababagabag at walang pahinga; mga araw ng kapighatian ay dumating sa akin. 28 Ako'y yumayaong tumatangis na walang araw; ako'y tumatayo sa kapulungan at humihinging tulong. 29 Ako'y kapatid ng mga chakal, at mga kasama ng mga avestruz. 30 Ang aking balat ay maitim, at natutuklap, at ang aking mga buto ay nagpapaltos. 31 Kaya't ang aking alpa ay naging panangis, at ang aking flauta ay naging tinig ng umiiyak.