15 At si Absalom at ang buong bayan, na mga lalake ng Israel, ay nagsidating sa Jerusalem at si Achitophel na kasama niya. 16 At nangyari, nang si Husai na Arachita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, na sinabi ni Husai kay Absalom, Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari. 17 At sinabi ni Absalom kay Husai, Ito ba ang iyong kagandahang loob sa iyong kaibigan? bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan? 18 At sinabi ni Husai kay Absalom, Hindi; kundi kung sinong piliin ng Panginoon, at ng bayang ito, at ng lahat na lalake sa Israel, doroon ako, at sa kasamahan noon tatahan ako. 19 At saka, kanino ako maglilingkod? hindi ba sa harap ng kaniyang anak? kung paanong ako'y naglingkod sa harap ng iyong ama, ay magiging gayon ako sa iyong harap.
20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Achitophel, Magbigay payo kayo kung ano ang ating gagawin. 21 At sinabi ni Achitophel kay Absalom, Sipingan mo ang mga babae ng iyong ama, na kaniyang iniwan na magsipagingat ng bahay; at mababalitaan ng buong Israel na ikaw ay makayayamot sa iyong ama: kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat na nasa iyo. 22 Sa gayo'y kanilang ipinagladlad si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga babae ng kaniyang ama sa paningin ng buong Israel. 23 At ang payo ni Achitophel, na kaniyang ipinapayo sa mga araw na yaon, ay gaya ng kung ang isang lalake ay nagsisiyasat sa salita ng Dios: gayong lahat ang payo ni Achitophel kay David at gayon din kay Absalom.