1 Bukod dito'y sinabi ni Achitophel kay Absalom, Papiliin mo ako ng labing dalawang libong lalake, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito: 2 At ako'y darating sa kaniya samantalang siya'y pagod at may mahinang kamay, at akin siyang tatakutin: at ang buong bayan na nasa kaniya ay tatakas; at ang hari lamang ang aking sasaktan: 3 At aking ibabalik sa iyo ang buong bayan: ang lalake na iyong inuusig ay parang kung ang lahat ay nagbabalik: sa gayo'y ang buong bayan ay mapapayapa. 4 At ang sabi ay nakalugod na mabuti kay Absalom, at sa lahat ng matanda sa Israel.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Tawagin mo naman ngayon si Husai na Arachita, at atin ding dinggin ang kaniyang sasabihin. 6 At nang dumating si Husai kay Absalom, ay sinalita ni Absalom sa kaniya, na sinasabi, Nagsalita si Achitophel ng ganitong paraan: atin bang gagawin ang ayon sa kaniyang sabi? Kung hindi, magsalita ka. 7 At sinabi ni Husai kay Absalom, Ang payo na ibinigay ni Achitophel ngayon ay hindi mabuti. 8 Sinabi ni Husai bukod sa rito, Iyong kilala ang iyong Ama at ang kaniyang mga lalake, na sila'y makapangyarihang lalake at sila'y nagngingitngit sa kanilang mga pagiisip na gaya ng isang oso na ninakawan sa parang ng kaniyang mga anak: at ang iyong ama ay lalaking mangdidigma, at hindi tatahan na kasama ng bayan. 9 Narito, siya'y nagkukubli ngayon sa isang hukay o sa ibang dako: at mangyayari, na pagka ang ilan sa kanila ay nabuwal sa pasimula, sinomang makarinig ay magsasabi, May patayan sa bayang sumusunod kay Absalom. 10 At pati ng matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na manglulupaypay: sapagka't kilala ng buong Israel na ang iyong ama ay makapangyarihang lalake, at sila na nasa kaniya ay matatapang na lalake. 11 Nguni't aking ipinapayo na ang buong Israel ay mapisan sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa pagbabaka ng iyong sariling pagkatao. 12 Sa gayo'y aabutin natin siya sa ibang dako na kasusumpungan natin sa kaniya, at tayo'y babagsak sa kaniya na gaya ng hamog na lumalapag sa lupa: at sa kaniya at sa lahat ng mga lalake na nasa kaniya ay hindi tayo magiiwan kahit isa. 13 Bukod dito, kung siya'y umurong sa isang bayan, ang buong Israel ay magdadala nga ng mga lubid sa bayang yaon, at ating babatakin sa ilog, hanggang sa walang masumpungan doon kahit isang maliit na bato. 14 At si Absalom at ang lahat na lalake sa Israel ay nagsipagsabi, Ang payo ni Husai na Arachita ay lalong mabuti kay sa payo ni Achitophel. Sapagka't ipinasiya ng Panginoon na masansala ang mabuting payo ni Achitophel, upang dalhin ng Panginoon ang kasamaan kay Absalom.
15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote. Ganito't ganito ang ipinayo ni Achitophel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; at ganito't ganito ang aking ipinayo. 16 Ngayon nga'y magsugo kang madali, at saysayin kay David, na sabihin, Huwag kang tumigil ng gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anomang paraan ay tumawid ka: baka ang hari ay mapatay at ang buong bayan na nasa kaniya. 17 Si Jonathan at si Ahimaas nga ay nagsitigil sa tabi ng Enrogel; at isang alilang babae ang pinaparoon at pinapagsaysay sa kanila; at sila'y nagsiparoon, at isinaysay sa haring kay David: sapagka't sila'y hindi makapakitang pumasok sa bayan. 18 Nguni't nakita sila ng isang bata, at isinaysay kay Absalom: at sila'y kapuwa lumabas na nagmadali, at sila'y nagsiparoon sa bahay ng isang lalake sa Bahurim, na may isang balon sa kaniyang looban; at sila'y nagsilusong doon. 19 At ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at nilagyan ng mga trigo na giniik; at walang bagay na naalaman. 20 At ang mga bataan ni Absalom ay nagsidating sa babae sa bahay; at kanilang sinabi, Saan nandoon si Ahimaas at si Jonathan? At sinabi ng babae sa kanila, Sila'y tumawid sa batis ng tubig. At nang kanilang mahanap at hindi nila masumpungan ay bumalik sila sa Jerusalem.
21 At nangyari, pagkatapos na sila'y makaalis, na sila'y nagsilabas sa balon, at nagsiyaon at isinaysay sa haring kay David: at kanilang sinabi kay David, Kayo'y magsibangon, at magsitawid na madali sa tubig: sapagka't ganito ang ipinayo ni Achitophel laban sa inyo. 22 Nang magkagayo'y nagsibangon si David, at ang buong bayan na kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan; sa pagbubukang liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi tumawid sa Jordan.
23 At nang makita ni Achitophel na ang kaniyang payo ay hindi sinunod, kaniyang siniyahan ang kaniyang asno, at bumangon, at umuwi siya sa bahay, sa kaniyang bayan at kaniyang inayos ang kaniyang bahay, at nagbigti; at siya'y namatay, at nalibing sa libingan ng kaniyang ama.
24 Nang magkagayon ay naparoon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan, siya at ang lahat na lalake ng Israel na kasama niya. 25 At inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo na kahalili ni Joab. Si Amasa nga ay anak ng isang lalake na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na sumiping kay Abigal na anak na babae ni Naas, na kapatid ni Sarvia, na ina ni Joab. 26 At ang Israel at si Absalom ay nagsihantong sa lupain ng Galaad.
27 At nangyari, ng si David ay dumating sa Mahanaim, na si Sobi na anak ni Naas na taga Rabba sa mga anak ni Ammon, at si Machir na anak ni Ammiel na taga Lodebar, at si Barzillai na Galaadita na taga Rogelim. 28 Ay nangagdala ng mga higaan, at mga mangkok, at mga sisidlang lupa, at trigo, at sebada, at harina, at butil na sinangag, at habas, at lentehas, at pagkain na sinangag. 29 At pulot pukyutan, at mantekilya, at mga tupa, at keso ng baka para kay David, at sa bayan na kasama niya, upang kanin; sapagka't kanilang sinabi, Ang bayan ay gutom, at pagod, at uhaw sa ilang.