5 At nang dumarating ang hari sa Bahurim, narito, lumalabas na mula roo'y isang lalake sa angkan ng sangbahayan ni Saul, na ang pangala'y Semei, na anak ni Gera: siya'y lumalabas, at manunumpa habang siya'y lumalabas. 6 At kaniyang hinagis ng mga bato si David, at ang lahat ng lingkod ng haring si David: at ang buong bayan, at ang lahat na malalakas na lalake ay nasa kaniyang kanan, at sa kaniyang kaliwa. 7 At ganito ang sinabi ni Semei nang siya'y nanunumpa, Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na lalaking mabagsik, at hamak na lalake: 8 Ibinalik sa iyo ng Panginoon ang buong dugo ng sangbahayan ni Saul na siya mong hinalinhan ng pagkahari; at ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak: at, narito, ikaw ay nasa iyong sariling kasamaan, sapagka't ikaw ay lalaking mabagsik.
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Sarvia sa hari, Bakit susumpain nitong asong patay ang aking panginoon na hari? payaunin mo ako, isinasamo ko sa iyo, at pugutin ang kaniyang ulo. 10 At sinabi ng hari, Anong ipakikialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Sarvia? Sapagka't siya'y nanunumpa, at sapagka't sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sumpain mo si David, sino nga ang magsasabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? 11 At sinabi ni David kay Abisai, at sa lahat niyang mga lingkod, Narito, ang anak ko, na lumabas sa aking tiyan, siyang humahanap ng aking buhay: gaano pa nga kaya ang gagawin ngayon ng Benjamitang ito? bayaan ninyo siya at manumpa siya: sapagka't iniutos ng Panginoon sa kaniya. 12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang kasamaang ginagawa sa akin, at gagawan ako ng mabuti ng Panginoon sa sumpa niya sa akin sa araw na ito. 13 Sa gayo'y nagpatuloy ng lakad si David at ang kaniyang mga lalake: at si Semei ay yumaon sa tagiliran ng bundok sa tapat niya, at sumusumpa habang siya'y yumayaon, at hinahagis ng bato siya, at nananaboy ng alabok. 14 At ang hari at ang buong bayan na nasa kaniya ay nagsidating na pagod; at siya'y nagpahinga roon.