1 Nangyari nga isang araw, na si Jonathan na anak ni Saul ay nagsabi sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata, Halika at tayo'y dumaan sa pulutong ng mga Filisteo, na nasa dakong yaon. Nguni't hindi niya ipinagbigay alam sa kaniyang ama. 2 At tumigil si Saul sa kaduluduluhang bahagi ng Gabaa sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron: at ang bayan na nasa kaniya ay may anim na raang lalake. 3 At si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Ichabod, na anak ni Phinees, na anak ni Eli, na saserdote ng Panginoon sa Silo, ay nagsusuot ng epod. At hindi nalalaman ng bayan na si Jonathan ay yumaon. 4 At sa pagitan ng mga daanan, na pinagsikapan ni Jonathan na pagdaanan ng pulutong ng mga Filisteo, ay mayroong isang tila tukang bato sa isang dako at isang tila tukang bato sa kabilang dako: at ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan niyaon isa ay Sene. 5 Ang isang tila tuka ay pataas sa hilagaan sa tapat ng Michmas, at ang isa ay sa timugan sa tapat ng Gabaa.
6 At sinabi ni Jonathan sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata: Halika at tayo ay dumaan sa pulutong ng mga hindi tuling ito: marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin: sapagka't hindi maliwag sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti. 7 At sinabi sa kaniya ng tagadala niya ng sandata, Gawin mo ang buong nasa loob mo: lumiko ka, narito, ako'y sumasa iyo ayon sa nasa loob mo. 8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Narito, tayo'y dumaan sa mga lalaking yaon, at tayo'y pakikilala sa kanila. 9 Kung kanilang sabihing ganito sa atin, Kayo'y maghintay hanggang sa kami ay dumating sa inyo; ay maghihintay nga tayo sa ating dako at hindi natin aahunin sila. 10 Nguni't kung kanilang sabihing ganito, Ahunin ninyo kami; aahon nga tayo: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay: at ito ang magiging tanda sa atin. 11 At kapuwa nga sila napakilala sa pulutong ng mga Filisteo: at sinabi ng mga Filisteo: Narito, ang mga Hebreo na lumabas sa mga hukay na kanilang pinagtaguan. 12 At sumagot ang mga lalake sa pulutong kay Jonathan at sa kaniyang tagadala ng sandata, at sinabi, Ahunin ninyo kami, at pagpapakitaan namin kayo ng isang bagay. At sinabi ni Jonathan sa kaniyang tagadala ng sandata, Umahon ka na kasunod ko: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel. 13 At gumapang si Jonathan ng kaniyang mga kamay at ng kaniyang mga paa, at ang kaniyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. At sila'y nangabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga yao'y pinagpapatay ng kaniyang tagadala ng sandata na kasunod niya. 14 At yaon ang unang pagpatay na ginawa ni Jonathan at ng kaniyang tagadala ng sandata, sa may dalawang pung lalake, sa may pagitan ng kalahating akre ng lupa. 15 At nagkaroon ng panginginig sa kampamento, sa parang, at sa buong bayan: ang pulutong at ang mga mananamsam ay nagsipanginig din; lumindol; sa gayo'y nagkaroon ng totoong malaking pagkayanig.
16 At ang mga bantay ni Saul sa Gabaa ng Benjamin ay tumanaw; at, narito, ang karamihan ay nawawala at sila'y nagparoo't parito. 17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa bayan na kasama niya, Magbilang kayo ngayon at inyong tingnan kung sino ang umalis sa atin. At nang sila'y magbilang, narito, si Jonathan at ang kaniyang tagadala ng sandata ay wala roon. 18 At sinabi ni Saul kay Achias, Dalhin ninyo rito ang kaban ng Dios. Sapagka't ang kaban ng Dios ay nandoon nang panahong yaon sa mga anak ni Israel. 19 At nangyari, samantalang nagsasalita si Saul sa saserdote, na ang kaingay na nasa kampamento ng mga Filisteo ay lumala ng lumala: at sinabi ni Saul sa saserdote, Iurong mo ang iyong kamay. 20 At nagpipisan si Saul at ang buong bayan na nasa kaniya at naparoon sa pakikibaka: at, narito, ang tabak ng bawa't isa ay laban sa kaniyang kasama, at nagkaroon ng malaking pagkalito. 21 Ang mga Hebreo nga na napasa mga Filisteo nang una, na umahong kasama nila sa kampamento mula sa palibot ng lupain, ay nagsibalik pa rin na nakipisan sa mga Israelita na kasama ni Saul at ni Jonathan. 22 Gayon din ang mga lalake sa Israel na nagsikubli sa lupaing maburol ng Ephraim, na nang kanilang mabalitaan na ang mga Filisteo ay tumakas, ay nakihabol pati sila sa kanila sa pakikipagbaka. 23 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon: at ang pagbabaka ay napalipat sa Beth-aven.