24 At ang mga lalake sa Israel ay namanglaw nang araw na yaon: sapagka't ibinilin ni Saul sa bayan, na sinasabi, Sumpain ang lalake na kumain ng anomang pagkain hanggang sa kinahapunan, at ako'y nakaganti sa aking mga kaaway. Sa gayo'y wala sinoman sa bayan na lumasap ng pagkain. 25 At ang buong bayan ay naparoon sa gubat; at may pulot sa ibabaw ng lupa. 26 At nang dumating ang bayan sa gubat, narito, ang pulot ay tumutulo nguni't walang tao na naglagay ng kaniyang kamay sa kaniyang bibig; sapagka't ang bayan ay natakot sa sumpa. 27 Nguni't hindi narinig ni Jonathan, nang ibilin ng kaniyang ama sa bayan na may sumpa: kaya't kaniyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay at isinagi sa pulot, at inilagay ang kaniyang kamay sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga mata ay lumiwanag. 28 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa bayan, at nagsabi, Ibiniling mahigpit ng iyong ama sa bayan na may sumpa, na sinasabi, Sumpain ang tao na kumain ng pagkain sa araw na ito. At ang bayan ay pata. 29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Binagabag ng aking ama ang lupain: tingnan ninyo, isinasamo ko sa inyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag, sapagka't ako'y lumasa ng kaunti sa pulot na ito. 30 Gaano pa kaya kung ang bayan ay kumaing may kalayaan ngayon sa samsam sa kanilang mga kaaway na kanilang nasumpungan? sapagka't hindi nagkaroon ng malaking patayan ngayon sa gitna ng mga Filisteo.
31 At kanilang sinaktan ang mga Filisteo nang araw na yaon mula sa Michmas hanggang sa Ajalon: at ang bayan ay totoong pata. 32 At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo. 33 Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito. 34 At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon. 35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon: yaon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.
36 At sinabi ni Saul, Ating lusungin na sundan ang mga Filisteo sa kinagabihan, at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong maglabi ng isang tao sa kanila. At kanilang sinabi, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo. Nang magkagayo'y sinabi ng saserdote, Tayo'y lumapit dito sa Dios. 37 At si Saul ay humingi ng payo sa Dios: Lulusungin ko ba na susundan ang mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel? Nguni't hindi siya sinagot nang araw na yaon. 38 At sinabi ni Saul, Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng bayan: at maalaman at makita kung saan nanggaling ang kasalanang ito sa araw na ito. 39 Sapagka't buhay nga ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, na kahit si Jonathan na aking anak, ay walang pagsalang mamatay. Nguni't walang tao sa buong bayan na sumagot sa kaniya. 40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako. At sinabi ng bayan kay Saul, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo. 41 Kaya sinabi ni Saul sa Panginoon, sa Dios ng Israel, Ituro mo ang matuwid. At si Jonathan at si Saul ay napili: nguni't ang bayan ay nakatanan. 42 At sinabi ni Saul, Pagsapalaran ninyo ako at si Jonathan na aking anak: at si Jonatan ay napili.
43 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay Jonathan, Saysayin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa. At isinaysay ni Jonathan sa kaniya, at sinabi, Tunay na ako'y lumasa ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay: at, narito, ako'y marapat mamatay. 44 At sinabi ni Saul, Gawing gayon ng Dios at lalo na: sapagka't ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Jonathan. 45 At sinabi ng bayan kay Saul, Mamamatay ba si Jonathan, na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Malayo nawa: buhay ang Panginoon, hindi malalaglag ang isang buhok ng kaniyang ulo sa lupa; sapagka't siya'y gumawa na kasama ng Dios sa araw na ito. Sa gayo'y iniligtas ng bayan si Jonathan, na anopa't siya'y hindi namatay. 46 Nang magkagayo'y umahon si Saul na mula sa pagsunod sa mga Filisteo: at ang mga Filisteo ay naparoon sa kanilang sariling dako.