8 At siya'y naghintay ng pitong araw, ayon sa takdang panahon na itinakda ni Samuel: nguni't si Samuel ay hindi naparoon sa Gilgal; at ang bayan ay nangangalat sa kaniya. 9 At sinabi ni Saul, Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog tungkol sa kapayapaan. At kaniyang inihandog ang handog na susunugin. 10 At nangyari, na pagkatapos niyang maihandog ang handog na susunugin, narito, si Samuel ay dumating; at lumabas si Saul na sinalubong siya upang bumati sa kaniya. 11 At sinabi ni Samuel, Ano ang iyong ginawa? At sinabi ni Saul, Sapagka't aking nakita na ang bayan ay nangangalat sa akin, at hindi ka dumarating sa mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagpupulong sa Michmas; 12 Kaya aking sinabi, Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa naipamamanhik ang kagalingan sa Panginoon: ako'y nagpumilit nga at inihandog ko ang handog na susunugin. 13 At sinabi ni Samuel kay Saul, Gumawa kang may kamangmangan; hindi mo ginanap ang utos ng Panginoon mong Dios na iniutos niya sa iyo: sapagka't itinatag sana ng Panginoon ang kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man. 14 Nguni't ngayon ay hindi matutuloy ang iyong kaharian: ang Panginoo'y humanap para sa kaniya ng isang lalaking ayon sa kaniyang sariling puso, at inihalal ng Panginoon siya na maging prinsipe sa kaniyang bayan, sapagka't hindi mo ginanap ang iniutos ng Panginoon sa iyo.
15 At bumangon si Samuel at umahon siya mula sa Gilgal hanggang sa Gabaa ng Benjamin. At binilang ni Saul ang bayan na nakaharap sa kaniya, na may anim na raang lalake. 16 At si Saul, at si Jonathan na kaniyang anak, at ang bayan na nakaharap sa kanila, ay tumigil sa Geba ng Benjamin: nguni't ang mga Filisteo ay humantong sa Michmas. 17 At ang mga mananamsam ay lumabas na tatlong pulutong sa kampamento ng mga Filisteo; ang isang pulutong ay lumiko sa daan na patungo sa Ophra, na patungo sa lupain ng Sual: 18 At ang isang pulutong ay lumiko sa daan na patungo sa Beth-horon at ang isang pulutong ay lumiko sa daan ng hangganan na humaharap na palusong sa libis ng Seboim sa dakong ilang.
19 Wala ngang panday na masumpungan sa buong lupain ng Israel: sapagka't sinasabi ng mga Filisteo, Baka ang mga Hebreo ay igawa nila ng mga tabak o mga sibat: 20 Nguni't nilusong ng lahat ng mga taga Israel ang mga Filisteo upang ihasa ng bawa't lalake ang kaniyang pangararo, at ang kaniyang asarol, at ang kaniyang palakol, at ang kaniyang piko; 21 Gayon ma'y mayroon silang pangkikil sa mga piko at sa mga asarol, at sa mga kalaykay, at sa mga palakol, at upang ipang-hasa ng mga panundot. 22 Sa gayo'y nangyari, na sa araw ng pagbabaka, ay wala kahit tabak o sibat mang masumpungan sa kamay ng sinoman sa bayan na kasama ni Saul at ni Jonathan: kundi si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ang kinasumpungan lamang. 23 At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas na napatungo sa daanan ng Michmas.