1 Si Saul ay may (apat na pung) taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Israel.
2 At pumili si Saul para sa kaniya ng tatlong libong lalake sa Israel, na ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Michmas at sa bundok ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gabaa ng Benjamin: at ang labis ng bayan ay sinugo niya bawa't isa sa kaniyang tolda. 3 At sinaktan ni Jonathan ang pulutong ng mga Filisteo na nasa Geba; at nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang pakakak sa buong lupain, na sinasabi, Marinig ng mga Hebreo. 4 At narinig nga ng buong Israel ng sabihin na sinaktan ni Saul ang pulutong ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklam-suklam sa mga Filisteo. At ang bayan ay nagpipisan na sumunod kay Saul sa Gilgal.
5 At ang mga Filisteo ay nagpupulong upang lumaban sa Israel, tatlong pung libong karo, at anim na libong mangangabayo, at ang bayan na gaya ng buhangin na nasa baybayin ng dagat sa karamihan: at sila'y umahon at humantong sa Michmas sa dakong silanganan ng Beth-aven. 6 Nang makita ng mga lalake ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagka't ang bayan ay napipighati) ang bayan nga ay nagkubli sa mga yungib, at sa mga tinikan, at sa mga bato, at sa mga katibayan, at sa mga hukay. 7 Ang iba nga sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan na patungo sa lupain ng Gad, at ng Galaad; nguni't si Saul ay nasa Gilgal siya, at ang buong bayan ay sumunod sa kaniya na nanginginig.