11 Sinasabi ko nga, Nangatisod kaya sila upang mangahulog? Huwag nawang mangyari: datapuwa't sa pagkahulog nila'y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho. 12 Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanglibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila?
13 Datapuwa't nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibasa'y ako nga'y apostol ng mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministerio; 14 Baka sa anomang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kalaman, at maligtas ang ilan sa kanila. 15 Sapagka't kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanglibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay? 16 At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayon din ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayon din ang mga sanga.
17 Datapuwa't kung ang ilang mga sanga'y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo; 18 Huwag kang magpalalo sa mga sanga: datapuwa't kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo. 19 Sasabihin mo nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib. 20 Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo kundi matakot ka: 21 Sapagka't kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin. 22 Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin. 23 At sila naman, kung hindi mangagsisilagi sa di pananampalataya ay mangakakasanib: sapagka't makapangyarihan ang Dios upang sila'y isanib na muli. 24 Sapagka't kung ikaw ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangakakasanib sa kanilang sariling punong olibo?