1 Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka't ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin. 2 Hindi itinakuwil ng Dios ang kaniyang bayan na nang una pa'y kinilala niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel na sinabi: 3 Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nagiisa, at hinahanap nila ang aking buhay. 4 Datapuwa't ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kaniya? Nagtira ako sa akin ng pitong libong lalake na hindi nangagsiluhod kay Baal. 5 Gayon din nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya. 6 Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano nga? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya kinamtan; datapuwa't ito'y kinamtan ng pagkahirang, at ang mga iba'y pinapagmatigas:
8 Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito.
9 At sinasabi ni David, Ang kanilang dulang nawa'y maging isang silo, at isang panghuli, At isang katitisuran, at isang kabayaran sa kanila: 10 Manganglabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita, At laging baluktutin mo nawa ang kanilang gulugod.
11 Sinasabi ko nga, Nangatisod kaya sila upang mangahulog? Huwag nawang mangyari: datapuwa't sa pagkahulog nila'y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho. 12 Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanglibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila?
13 Datapuwa't nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibasa'y ako nga'y apostol ng mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministerio; 14 Baka sa anomang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kalaman, at maligtas ang ilan sa kanila. 15 Sapagka't kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanglibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay? 16 At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayon din ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayon din ang mga sanga.
17 Datapuwa't kung ang ilang mga sanga'y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo; 18 Huwag kang magpalalo sa mga sanga: datapuwa't kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo. 19 Sasabihin mo nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib. 20 Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo kundi matakot ka: 21 Sapagka't kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin. 22 Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin. 23 At sila naman, kung hindi mangagsisilagi sa di pananampalataya ay mangakakasanib: sapagka't makapangyarihan ang Dios upang sila'y isanib na muli. 24 Sapagka't kung ikaw ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangakakasanib sa kanilang sariling punong olibo?
25 Sapagka't hindi ko ibig, mga kapatid, na di ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo'y mangagmarunong sa inyong sariling mga haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil;
26 At sa ganito'y ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas; Siya ang maghihiwalay sa Jacob ng kalikuan: 27 At ito ang aking tipan sa kanila, Pagka aalisin ko ang kanilang mga kasalanan.
28 Tungkol sa evangelio, ay mga kaaway sila dahil sa inyo: datapuwa't tungkol sa pagkahirang, ay mga pinakaiibig sila dahil sa mga magulang. 29 Sapagka't ang mga kaloob at ang pagtawag ng Dios ay hindi nagbabago. 30 Sapagka't kung paanong kayo nang nakaraang panahon ay mga masuwayin sa Dios, datapuwa't ngayon kayo'y nangagkamit ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway, 31 Gayon din naman ang mga ito ay naging mga masuwayin ngayon, upang sa pamamagitan ng habag na ipinagkaloob sa inyo, sila nama'y magkamit ngayon ng habag. 32 Sapagka't ang lahat ay kinulong ng Dios sa kasuwayan, upang siya'y mahabag sa lahat.
33 Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!
34 Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni? 35 O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya'y babayarang muli?
36 Sapagka't kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.