1 Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka't ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin. 2 Hindi itinakuwil ng Dios ang kaniyang bayan na nang una pa'y kinilala niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel na sinabi: 3 Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nagiisa, at hinahanap nila ang aking buhay. 4 Datapuwa't ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kaniya? Nagtira ako sa akin ng pitong libong lalake na hindi nangagsiluhod kay Baal. 5 Gayon din nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya. 6 Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano nga? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya kinamtan; datapuwa't ito'y kinamtan ng pagkahirang, at ang mga iba'y pinapagmatigas:
8 Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito.
9 At sinasabi ni David, Ang kanilang dulang nawa'y maging isang silo, at isang panghuli, At isang katitisuran, at isang kabayaran sa kanila: 10 Manganglabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita, At laging baluktutin mo nawa ang kanilang gulugod.