27 At nang halos tapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga Asia, nang siya'y makita nila sa templo, ay kanilang ginulo ang buong karamihan at siya'y kanilang dinakip, 28 Na nangagsisigawan, Mga lalaking taga Israel, magsitulong kayo: Ito ang tao na nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa bayan, at sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa sa rito'y nagdala rin siya ng mga Griego sa templo, at dinungisan itong dakong banal. 29 Sapagka't nakita muna nila na kasama niya sa bayan si Trofimo taga Efeso, na sinapantaha nilang ipinasok ni Pablo sa templo. 30 At ang buong bayan ay napakilos, at ang mga tao'y samasamang nagsipanakbuhan; at kanilang sinunggaban si Pablo, at siya'y kinaladkad na inilabas sa templo: at pagdaka'y inilapat ang mga pinto. 31 At samantalang pinagpipilitan nilang siya'y patayin, ay dumating ang balita sa pangulong kapitan ng pulutong, na ang buong Jerusalem ay nasa kaguluhan. 32 At pagdaka'y kumuha siya ng mga kawal at mga senturion, at sumagasa sa kanila: at sila, nang kanilang makita ang pangulong kapitan at ang mga kawal ay nagsitigil ng paghampas kay Pablo. 33 Nang magkagayo'y lumapit ang pangulong kapitan, at tinangnan siya, at siya'y ipinagapos ng dalawang tanikala; at itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya. 34 At iba'y sumisigaw ng isang bagay, ang iba'y iba naman, sa gitna ng karamihan: at nang hindi niya maunawa ang katotohanan dahil sa kaguluhan, ay ipinadala siya sa kuta. 35 At nang siya'y dumating sa hagdanan ay nangyari na siya'y binuhat ng mga kawal dahil sa pagagaw ng karamihan; 36 Sapagka't siya'y sinusundan ng karamihan ng mga tao, na nangagsisigawan, Alisin siya.