37 At nang ipapasok na si Pablo sa kuta, ay kaniyang sinabi sa pangulong kapitan, Mangyayari bagang magsabi ako sa iyo ng anoman? At sinabi niya, Marunong ka baga ng Griego? 38 Hindi nga baga ikaw yaong Egipcio, na nang mga nakaraang araw ay nanghihikayat sa kaguluhan at nagdala sa ilang ng apat na libong katao na mga Mamamatay-tao? 39 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Ako'y Judio, na taga Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng bayang hindi kakaunti ang kahalagahan: at ipinamamanhik ko sa iyo, na ipahintulot mo sa aking magsalita sa bayan. 40 At nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo, na nakatayo sa hagdanan, inihudyat ang kamay sa bayan; at nang tumahimik nang totoo, siya'y nagsalita sa kanila sa wikang Hebreo, na sinasabi,
1 Mga kapatid na lalake at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagsasanggalang na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.
2 At nang marinig nilang sila'y kinakausap niya sa wikang Hebreo, ay lalo pang tumahimik sila: at sinabi niya,
3 Ako'y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwa't pinapagaral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa'y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon: 4 At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae. 5 Gaya rin naman ng pangulong saserdote na nagpapatotoo sa akin, at ang buong kapulungan ng matatanda: na sa kanila nama'y tumanggap ako ng mga sulat sa mga kapatid, at naglakbay ako sa Damasco upang dalhin ko namang mga gapos sa Jerusalem ang nangaroroon upang parusahan.
6 At nangyari, na, samantalang ako'y naglalakbay, at nalalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling tapat, biglang nagliwanag mula sa langit ang isang malaking ilaw sa palibot ko. 7 At ako'y nasubasob sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? 8 At ako'y sumagot, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya sa akin, Ako'y si Jesus na taga Nazaret, na iyong pinaguusig. 9 At sa katotohana'y nakita ng mga kasamahan ko ang ilaw, datapuwa't hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin. 10 At sinabi ko, Ano ang gagawin ko, Panginoon? At sinabi sa akin ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gagawin mo. 11 At nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng ilaw na yaon, palibhasa'y inakay ako sa kamay ng mga kasamahan ko, ay pumasok ako sa Damasco.
12 At isang Ananias, lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, na may mabuting katunayan ng lahat ng mga Judiong nagsisitahan doon, 13 Ay lumapit sa akin, at natatayo sa tabi ko ay nagsabi sa akin, Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. At nang oras ding yao'y tumingin ako sa kaniya. 14 At sinabi niya, Ang Dios ng ating mga magulang ay itinalaga ka upang mapagkilala mo ang kaniyang kalooban, at makita mo ang Banal, at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Sapagka't magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.
17 At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa, 18 At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin. 19 At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo: 20 At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay. 21 At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil.