17 At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan. 18 At nang sumunod na araw ay pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng mga matanda ay nangaroroon. 19 At nang sila'y mangabati na niya, ay isaisang isinaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministerio. 20 At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios; at sa kaniya'y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang libo-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan. 21 At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na itinuturo mo sa lahat ng mga Judio na nangasa mga Gentil na magsihiwalay kay Moises, na sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian. 22 Ano nga baga ito? tunay na kanilang mababalitaang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat katao na may panata sa kanilang sarili; 24 Isama mo sila, maglinis kang kasama nila, at pagbayaran mo ang kanilang magugugol, upang sila'y mangagpaahit ng kanilang mga ulo: at maalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo; kundi ikaw rin naman ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid. 26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga tao, at nang sumunod na araw nang makapaglinis na siyang kasama nila ay pumasok sa templo, na isinasaysay ang katuparan ng mga araw ng paglilinis, hanggang sa ihain ang haing patungkol sa bawa't isa sa kanila.