34 At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao: 35 Kundi sa bawa't bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya. 36 Ang salita na kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (siya'y Panginoon ng lahat:) 37 Talastas ninyo ang salitang ito na nahayag sa buong Judea, magbuhat sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan; 38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios. 39 At mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio, at sa Jerusalem; na siya nama'y kanilang pinatay, na siya'y ibinitin sa isang punong kahoy. 40 Siya'y muling binuhay ng Dios nang ikatlong araw, at siya'y itinalagang mahayag. 41 Hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Dios nang una, sa makatuwid baga'y sa amin, na nagsikain at nagsiinom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y muling mabuhay sa mga patay. 42 At sa ami'y ipinagbilin niya na magsipangaral kami sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Dios na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa't sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.