1 At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano. 2 Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios. 3 Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio. 4 At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios. 5 At ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppe, at ipagsama mo yaong Simon, na may pamagat na Pedro; 6 Siya'y nanunuluyan sa isa na Simong mangluluto ng balat, na ang kaniyang bahay ay nasa tabi ng dagat. 7 At nang umalis ang anghel na sa kaniya'y nagsalita, ay tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga alila, at ng isang kawal na masipag sa kabanalan sa mga nagsisipaglingkod sa kaniyang parati; 8 At nang maisaysay na sa kanila ang lahat ng mga bagay, sila'y sinugo niya sa Joppe.
9 Nang kinabukasan nga samantalang sila'y patuloy sa kanilang paglalakad, at nang malapit na sa bayan, si Pedro ay umakyat sa ibabaw ng bahay upang manalangin, nang may oras na ikaanim; 10 At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa; 11 At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa: 12 Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit. 13 At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. 14 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal. 15 At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. 16 At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan.
17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan. 18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon. 19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng tatlong tao. 20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo. 21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito? 22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.
23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila. At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe. 24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal. 25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin. 27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang maraming nangagkakatipon: 28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal: 29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako.
30 At sinabi ni Cornelio, May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang isang lalake na may pananamit na nagniningning, 31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios. 32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat. 33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.
34 At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao: 35 Kundi sa bawa't bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya. 36 Ang salita na kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (siya'y Panginoon ng lahat:) 37 Talastas ninyo ang salitang ito na nahayag sa buong Judea, magbuhat sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan; 38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios. 39 At mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio, at sa Jerusalem; na siya nama'y kanilang pinatay, na siya'y ibinitin sa isang punong kahoy. 40 Siya'y muling binuhay ng Dios nang ikatlong araw, at siya'y itinalagang mahayag. 41 Hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Dios nang una, sa makatuwid baga'y sa amin, na nagsikain at nagsiinom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y muling mabuhay sa mga patay. 42 At sa ami'y ipinagbilin niya na magsipangaral kami sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Dios na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa't sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita. 45 At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo. 46 Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro, 47 Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin? 48 At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw.