32 At paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga Cirene, na ang pangala'y Simon: ito'y kanilang pinilit na sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus. 33 At nang sila'y magsirating sa isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga'y, Ang dako ng bungo, 34 Ay pinainom nila siya ng alak na may kahalong apdo: at nang kaniyang matikman, ay ayaw niyang inumin. 35 At nang siya'y kanilang maipako sa krus ay kanilang binahagi ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran; 36 At sila'y nangagsiupo at binantayan siya roon. 37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang pamagat sa kaniya, na nasusulat: ITO'Y SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Nang magkagayo'y ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 At siya'y nililibak ng nangagdaraan, na iginagalaw ang kanilang mga ulo, 40 At nangagsasabi, Ikaw na igigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itatayo, iyong iligtas ang sarili mo: kung ikaw ay Anak ng Dios, ay bumaba ka sa krus. 41 Gayon din naman ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsipagsabi, 42 Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at tayo'y magsisisampalataya sa kaniya. 43 Nananalig siya sa Dios; iligtas niya siya ngayon, kung siya'y iniibig: sapagka't sinabi niya, Ako'y Anak ng Dios. 44 At minumura din naman siya ng mga tulisang kasama niyang nangapapako sa krus.