45 Mula nga nang oras na ikaanim ay nagdilim sa ibabaw ng buong sangkalupaan hanggang sa oras na ikasiyam. 46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan? 47 At nang marinig ito ng ilan sa nangakatayo roon, ay sinabi, Tinatawag ng taong ito si Elias. 48 At pagkaraka'y tumakbo ang isa sa kanila, at kumuha ng isang espongha, at binasa ng suka, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya. 49 At sinabi ng mga iba, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y iligtas. 50 At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga.
51 At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato; 52 At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon; 53 At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami. 54 Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios.
55 At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran: 56 Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.