1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una: at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas, na iyong sinira. 2 At iyong ihanda sa kinaumagahan, at sumampa ka sa kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka roon sa akin sa taluktok ng bundok. 3 At sinomang tao ay huwag sasampang kasama mo, o makikita ang sinomang tao sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga bakahan ay huwag manginain sa harap ng bundok na yaon. 4 At siya'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; at bumangon si Moises na maaga sa kinaumagahan, at sumampa sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, at kinuha sa kaniyang kamay ang dalawang tapyas na bato. 5 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at itinanyag ang pangalan ng Panginoon. 6 At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; 7 Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ika apat na salin. 8 At nagmadali si Moises, at itinungo ang kaniyang ulo sa lupa, at sumamba. 9 At kaniyang sinabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, Oh Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na pasa gitna namin; sapagka't isang bayang may matigas na ulo; at ipatawad mo ang aming kasamaan, at ang aming kasalanan, at ariin mo kaming iyong mana.