1 Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto. 2 Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapuwa: ang Panginoon ang May-lalang sa kanilang lahat. 3 Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos at nagtitiis. 4 Ang kagantihan sa kapakumbabaan at ang pagkatakot sa Panginoon ay kayamanan, at karangalan, at buhay. 5 Mga tinik at mga silo ay nangasa daan ng magdaraya: ang nagiingat ng kaniyang kaluluwa ay lalayo sa mga yaon. 6 Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan. 7 Ang mayaman ay magpupuno sa dukha, at ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram. 8 Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kaniyang poot ay maglilikat. 9 Ang may magandang-loob na mata ay pagpapalain: sapagka't nagbibigay ng kaniyang tinapay sa dukha. 10 Itaboy mo ang manglilibak, at ang pagtatalo ay maalis; Oo, ang pagkakaalit at pagduwahagi ay matitigil. 11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, dahil sa biyaya ng kaniyang mga labi ay magiging kaniyang kaibigan ang hari. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagiingat sa maalam: nguni't kaniyang ibinabagsak ang mga salita ng taksil. 13 Sinasabi ng tamad, may leon sa labas: mapapatay ako sa mga lansangan. 14 Ang bibig ng masasamang babae ay isang malalim na lungaw: siyang nayayamot sa Panginoon ay mabubuwal doon. 15 Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; nguni't ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway. 16 Ang pumipighati sa dukha upang magpalago ng kaniyang pakinabang, at ang nagbibigay sa mayaman, ay humahangga sa pangangailangan lamang.