1 Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin. 2 Bawa't lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga puso. 3 Gumawa ng kaganapan at kahatulan ay lalong kalugodlugod sa Panginoon kay sa hain. 4 Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan. 5 Ang mga pagiisip ng masipag ay patungo sa kasaganaan lamang: nguni't bawa't nagmamadali ay sa pangangailangan lamang. 6 Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo't parito noong nagsisihanap ng kamatayan. 7 Ang pangdadahas ng masama ay siya ring papalis sa kanila; sapagka't sila'y nagsitangging magsigawa ng kahatulan. 8 Ang lakad ng nagpapasan ng sala ay lubhang liko; nguni't tungkol sa malinis, ang kaniyang gawa ay matuwid. 9 Lalong maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa palatalong babae sa maluwang na bahay. 10 Ang kaluluwa ng masama ay nagnanasa ng kasamaan: ang kaniyang kapuwa ay hindi nakakasumpong ng lingap sa kaniyang mga mata. 11 Pagka ang mangduduwahagi ay pinarusahan, ang musmos ay nagiging pantas: at pagka ang pantas ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman. 12 Pinagninilay ng matuwid ang bahay ng masama, kung paanong napapahamak ang masama sa kanilang pagkapariwara. 13 Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing, nguni't hindi didinggin. 14 Ang kaloob na lihim ay nagpapatahimik ng galit, at ang alay sa sinapupunan, ay ng malaking poot. 15 Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan. 16 Ang tao na gumagala sa labas ng daan ng kaunawaan, magpapahinga sa kapisanan ng patay. 17 Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman. 18 Ang masama ay isang katubusan para sa matuwid, at ang taksil ay sa lugar ng matuwid. 19 Lalong maigi ang tumahan sa ilang na lupain, kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae. 20 May mahalagang kayamanan at langis sa tahanan ng pantas; nguni't ito'y sinasakmal ng mangmang. 21 Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan. 22 Sinasampa ng pantas ang bayan ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang lakas ng pagkakatiwala niyaon. 23 Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan. 24 Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya'y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan. 25 Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa. 26 May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait. 27 Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip! 28 Ang sinungaling na saksi ay mamamatay: nguni't ang taong nakikinig ay magsasalita upang mamalagi. 29 Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha; nguni't tungkol sa taong matuwid, nagaayos ng kaniyang mga lakad. 30 Walang karunungan, o kaunawaan man, O payo man laban sa Panginoon. 31 Ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka: nguni't ang pagtatagumpay ay sa Panginoon.