1 At muling ipinagbadya ni Job ang kaniyang talinghaga, at nagsabi,
2 Oh ako nawa'y napasa mga buwan noong dakong una, gaya noong mga kaarawan ng binabantayan ako ng Dios; 3 Nang ang kaniyang ilawan ay sumisilang sa aking ulo at sa pamamagitan ng kaniyang liwanag ay lumalakad ako sa kadiliman; 4 Gaya noong ako'y nasa kabutihan ng aking mga kaarawan, noong ang pagkasi ng Dios ay nasa aking tolda; 5 Noong ang Makapangyarihan sa lahat ay sumasaakin pa, at ang aking mga anak ay nangasa palibot ko; 6 Noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng mga ilog ng langis! 7 Noong ako'y lumalabas sa pintuang-bayan hanggang sa bayan, noong aking inihahanda ang aking upuan sa lansangan, 8 Nakikita ako ng mga binata, at nagsisipagkubli, at ang mga matanda ay nagsisitindig at nagsisitayo: 9 Ang mga pangulo ay nagpipigil ng pangungusap, at inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig; 10 Ang tinig ng mga mahal na tao ay tumatahimik, at ang kanilang dila ay dumidikit sa ngalangala ng kanilang bibig. 11 Sapagka't pagka naririnig ako ng pakinig, ay pinagpapala nga ako; at pagka nakikita ako ng mata, ay sumasaksi sa akin: 12 Sapagka't aking iniligtas ang dukha na dumadaing, ang ulila rin naman na walang tumutulong sa kaniya. 13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay ay sumaakin: at aking pinaawit sa kagalakan ang puso ng babaing bao. 14 Ako'y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema. 15 Ako'y naging mga mata sa bulag, at naging mga paa ako sa pilay. 16 Ako'y naging ama sa mapagkailangan; at ang usap niyaong hindi ko nakikilala ay aking sinisiyasat. 17 At aking binali ang mga pangil ng liko, at inagaw ko ang huli sa kaniyang mga ngipin. 18 Nang magkagayo'y sinabi ko, mamamatay ako sa aking pugad, at aking pararamihin ang aking mga kaarawan na gaya ng buhangin: 19 Ang aking ugat ay nakalat sa tubig, at ang hamog ay lumalapag buong gabi sa aking sanga: 20 Ang aking kaluwalhatian ay sariwa sa akin, at ang aking busog ay nababago sa aking kamay.
21 Sa akin ay nangakikinig ang mga tao, at nangaghihintay, at nagsisitahimik sa aking payo. 22 Pagkatapos ng aking mga salita ay hindi na sila nagsasalita pa uli; at ang aking pananalita ay tumutulo sa kanila. 23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinubuka ang kanilang bibig na maluwang na gaya sa huling ulan. 24 Ako'y ngumingiti sa kanila pagka sila'y hindi nanganiniwala: at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila hinahamak. 25 Ako'y namimili sa kanilang daan, at nauupong gaya ng puno, at tumatahang gaya ng hari sa hukbo, gaya ng nangaaliw sa nananangis.