10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Manases, at sa kaniyang bayan: nguni't niwalang bahala nila. 11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari sa Asiria, na siyang nagdala kay Manases na may mga tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kaniya sa Babilonia. 12 At nang siya'y nasa pagkapighati siya'y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kaniyang mga magulang. 13 At siya'y dumalangin sa kaniya; at siya'y dininig, at pinakinggan ang kaniyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Dios.
14 Pagkatapos nga nito ay nagtayo siya ng isang kutang panglabas sa bayan ni David, sa dakong kalunuran ng Gihon, sa libis, hanggang sa pasukan sa pintuang-bayan ng mga isda; at kaniyang kinulong ang Ophel, at itinaas ng malaking kataasan: at kaniyang nilagyan ng mga matapang na pinunong kawal ang lahat ng bayan na nakukutaan sa Juda. 15 At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan. 16 At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel. 17 Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.
18 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang kaniyang dalangin sa kaniyang Dios, at ang mga salita ng mga tagakita na nagsalita sa kaniya sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, narito, nangakasulat sa mga gawa ng mga hari sa Israel. 19 Gayon din ang kaniyang panalangin, at kung paanong dininig siya, at ang buo niyang kasalanan at pagsalangsang niya, at ang mga dakong kaniyang pinagtayuan ng mga mataas na dako, at pinagtindigan ng mga Asera at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba: narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Hozai. 20 Sa gayo'y natulog si Manases na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa kaniyang sariling bahay: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.