1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limang pu't limang taon sa Jerusalem. 2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel. 3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama: at siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga Baal, at gumawa ng mga Asera, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa mga yaon, 4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay malalagay ang aking pangalan magpakailan man. 5 At siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon. 6 Kaniya rin namang pinaraan ang kaniyang mga anak sa apoy sa libis ng anak ni Hinnom: at siya'y nagpamahiin, at nagsanay ng panggagaway at nanghula, at nakipagsanggunian sa mga masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit. 7 At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man: 8 Ni babaguhin pa man ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda na ukol sa inyong mga magulang, kung kanila lamang isasagawa ang lahat na aking iniutos sa kanila, sa makatuwid baga'y ang buong kautusan at ang mga palatuntunan at ang mga ayos, sa pamamagitan ng kamay ni Moises. 9 At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anopa't sila'y nagsigawa ng higit na sama kay sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.