9 Pagkatapos nito'y sinugo ni Sennacherib na hari sa Asiria ang kaniyang mga lingkod sa Jerusalem, (siya nga'y nasa harap ni Lachis, at ang kaniyang buong kapangyarihan ay sumasa kaniya,) kay Ezechias na hari sa Juda, at sa buong Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi, 10 Ganito ang sabi ni Sennacherib na hari sa Asiria, Sa ano kayo nagsisiasa na kayo'y nagsisitahan sa pagkakubkob sa Jerusalem? 11 Hindi ba kayo hinihikayat ni Ezechias, upang kayo'y ibigay sa pagkamatay sa pamamagitan ng kagutom at ng kauhaw, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon nating Dios sa kamay ng hari sa Asiria? 12 Hindi ba ang Ezechias ding ito ang nagalis ng kaniyang mga mataas na dako at ng kaniyang mga dambana, at nagutos sa Juda at sa Jerusalem, na sinasabi, Kayo'y magsisisamba sa harap ng isang dambana, at sa ibabaw niyao'y mangagsusunog kayo ng kamangyan. 13 Hindi ba ninyo nalalaman, kung ano ang ginawa ko at ng aking mga magulang sa lahat ng bayan ng mga lupain? Ang mga dios ba ng mga bansa ng mga lupain ay nakapagligtas sa anomang paraan ng kanilang lupain sa aking kamay? 14 Sino sa lahat ng mga dios ng mga bansang yaon na lubos na giniba ng aking mga magulang na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, upang kayo'y mailigtas ng inyong Dios sa aking kamay? 15 Kaya't huwag nga kayong padaya kay Ezechias, ni hikayatin kayo ng ganitong paraan, ni paniwalaan man ninyo siya: sapagka't walang dios sa alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, at sa kamay ng aking mga magulang: gasino pa nga kaya ang inyong Dios na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay?
16 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsalita pa laban sa Panginoong Dios, at laban sa kaniyang lingkod na si Ezechias. 17 Siya'y sumulat din ng mga sulat upang tungayawin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at upang magsalita laban sa kaniya, na sinasabi, Kung paanong hindi iniligtas ng mga dios ng mga bansa ng mga lupain ang kanilang bayan sa aking kamay, gayon hindi iniligtas ng Dios ni Ezechias ang kaniyang bayan sa aking kamay. 18 At siya'y sumigaw ng malakas sa wikang Judio sa bayan ng Jerusalem na nasa kuta, upang takutin sila, at upang bagabagin sila; upang kanilang masakop ang bayan. 19 At sila'y nangagsalita tungkol sa Dios ng Jerusalem, na gaya sa mga dios ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.