1 Pagkatapos ng mga bagay na ito, at ng pagtatapat na ito, ay naparoon si Sennacherib na hari sa Asiria at pumasok sa Juda, at humantong laban sa mga bayan na nakukutaan, at kaniyang inisip sakupin upang kaniyahin. 2 At nang makita ni Ezechias na si Sennacherib ay dumating, at siya'y tumalaga na lumaban sa Jerusalem, 3 Ay nakipagsanggunian siya sa kaniyang mga prinsipe at sa kaniyang mga makapangyarihang lalake upang patigilin ang tubig sa mga bukal na nangasa labas ng bayan at kanilang tinulungan siya. 4 Sa gayo'y nagpipisan ang maraming tao sa bayan at kanilang pinatigil ang lahat na bukal, at ang batis na umaagos sa gitna ng lupain, na sinasabi, Bakit paririto ang mga hari sa Asiria, at makakasumpong ng maraming tubig? 5 At siya'y nagdalang tapang, at itinayo niya ang lahat na kuta na nabagsak, at pinataas pa ang mga moog, at ang ibang kuta sa labas, at pinagtibay ang Millo sa bayan ni David, at gumawa ng mga sandata at mga kalasag na sagana. 6 At siya'y naglagay ng mga pinunong kawal sa bayan na mangdidigma, at pinisan niya sila sa luwal na dako sa pintuang-bayan, at nagsalita na may kagandahang loob sa kanila, na sinasabi, 7 Kayo'y mangagpakalakas at mangagpakatapang na mabuti, huwag ninyong katakutan o panglupaypayan man ang hari sa Asiria, o ang buong karamihan man na kasama niya; sapagka't may lalong dakila sa atin kay sa kaniya: 8 Sumasakaniya ay isang kamay na laman; nguni't sumasaatin ay ang Panginoon nating Dios upang tulungan tayo, at ipakipaglaban ang ating mga pagbabaka, At ang bayan ay sumandal sa mga salita ni Ezechias na hari sa Juda.