1 At nangyari, pagkatapos nito, na naghanda si Absalom ng isang karo at mga kabayo, at limang pung lalaking tatakbo sa unahan niya. 2 At bumangong maaga si Absalom, at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan; at nangyari, na pagka ang sinomang tao ay mayroong usap na ilalapit sa hari upang hatulan, na tinatawag nga ni Absalom, at sinabi, Taga saang bayan ka? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay isa sa mga lipi ng Israel. 3 At sinabi ni Absalom sa kaniya, Tingnan mo, ang iyong usap ay mabuti at matuwid: nguni't walang kinatawan ang hari na duminig sa iyong usap. 4 Sinabi ni Absalom bukod dito: Oh maging hukom sana ako sa lupain, upang ang bawa't tao na may anomang usap, o anomang bagay, ay pumarito sa akin at siya'y aking magawan ng katuwiran! 5 At nangyayari na pagka ang sinoman ay lumalapit upang magbigay galang sa kaniya, na kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay at hinahawakan siya at hinahalikan siya. 6 At ganitong paraan ang ginagawa ni Absalom sa buong Israel na naparoroon sa hari sa pagpapahatol: sa gayo'y ginanyak ni Absalom ang mga kalooban ng mga tao ng Israel.
7 At nangyari, sa katapusan ng apat na pung taon, na sinasabi ni Absalom sa hari, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako at ako'y tumupad ng aking panata na aking ipinanata sa Panginoon, sa Hebron. 8 Sapagka't ang iyong lingkod ay nanata ng isang panata samantalang ako'y tumatahan sa Gesur sa Siria, na nagsabi, Kung tunay na dadalhin uli ako ng Panginoon sa Jerusalem, maglilingkod nga ako sa Panginoon. 9 At sinabi ng hari sa kaniya, Yumaon kang payapa. Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Hebron. 10 Nguni't si Absalom ay nagsugo ng mga tiktik sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, Pagkarinig ninyo ng tunog ng pakakak, inyo ngang sasabihin, Si Absalom ay hari sa Hebron. 11 At lumabas sa Jerusalem na kasama ni Absalom ay dalawang daang lalake na mga inanyayahan, at nangaparoon silang walang malay; at wala silang nalalamang anoman. 12 At pinagsuguan ni Absalom si Achitophel na Gilonita, na kasangguni ni David, mula sa kaniyang bayan, mula sa Gilo samantalang siya'y naghahandog ng mga hain. At mahigpit ang pagbabanta: sapagka't ang bayan na kasama ni Absalom ay dumadami ng dumadami.