1 At nangyari, pagkatapos nito, na naghanda si Absalom ng isang karo at mga kabayo, at limang pung lalaking tatakbo sa unahan niya. 2 At bumangong maaga si Absalom, at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan; at nangyari, na pagka ang sinomang tao ay mayroong usap na ilalapit sa hari upang hatulan, na tinatawag nga ni Absalom, at sinabi, Taga saang bayan ka? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay isa sa mga lipi ng Israel. 3 At sinabi ni Absalom sa kaniya, Tingnan mo, ang iyong usap ay mabuti at matuwid: nguni't walang kinatawan ang hari na duminig sa iyong usap. 4 Sinabi ni Absalom bukod dito: Oh maging hukom sana ako sa lupain, upang ang bawa't tao na may anomang usap, o anomang bagay, ay pumarito sa akin at siya'y aking magawan ng katuwiran! 5 At nangyayari na pagka ang sinoman ay lumalapit upang magbigay galang sa kaniya, na kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay at hinahawakan siya at hinahalikan siya. 6 At ganitong paraan ang ginagawa ni Absalom sa buong Israel na naparoroon sa hari sa pagpapahatol: sa gayo'y ginanyak ni Absalom ang mga kalooban ng mga tao ng Israel.
7 At nangyari, sa katapusan ng apat na pung taon, na sinasabi ni Absalom sa hari, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako at ako'y tumupad ng aking panata na aking ipinanata sa Panginoon, sa Hebron. 8 Sapagka't ang iyong lingkod ay nanata ng isang panata samantalang ako'y tumatahan sa Gesur sa Siria, na nagsabi, Kung tunay na dadalhin uli ako ng Panginoon sa Jerusalem, maglilingkod nga ako sa Panginoon. 9 At sinabi ng hari sa kaniya, Yumaon kang payapa. Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Hebron. 10 Nguni't si Absalom ay nagsugo ng mga tiktik sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, Pagkarinig ninyo ng tunog ng pakakak, inyo ngang sasabihin, Si Absalom ay hari sa Hebron. 11 At lumabas sa Jerusalem na kasama ni Absalom ay dalawang daang lalake na mga inanyayahan, at nangaparoon silang walang malay; at wala silang nalalamang anoman. 12 At pinagsuguan ni Absalom si Achitophel na Gilonita, na kasangguni ni David, mula sa kaniyang bayan, mula sa Gilo samantalang siya'y naghahandog ng mga hain. At mahigpit ang pagbabanta: sapagka't ang bayan na kasama ni Absalom ay dumadami ng dumadami.
13 At naparoon ang isang sugo kay David, na nagsasabi, Ang mga puso ng mga lalake ng Israel ay sumusunod kay Absalom. 14 At sinabi ni David sa lahat ng kaniyang mga lingkod na nasa kaniya sa Jerusalem, magsibangon kayo, at tayo'y magsitakas; sapagka't liban na rito ay walang makatatanan sa atin kay Absalom: mangagmadali kayo ng pagtakas, baka sa pagmamadali ay abutan tayo, at dalhan tayo ng kasamaan, at sugatan ang bayan ng talim ng tabak. 15 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, Narito, ang iyong mga lingkod ay handa na gumawa ng anoman na pipiliin ng aming panginoon na hari. 16 At lumabas ang hari at ang buong sangbahayan niya na sumunod sa kaniya. At nagiwan ang hari ng sangpung babae, na mga kinakasama niya, upang magingat ng bahay. 17 At lumabas ang hari at ang buong bayan na kasunod niya: at sila'y nagpahinga sa Beth-merac.
18 At ang lahat niyang mga lingkod ay nagsidaan sa siping niya; at ang lahat na Ceretheo, at ang lahat na Peletheo, at ang lahat ng mga Getheo, na anim na raang lalake na nagsisunod sa kaniya mula sa Gath, na nangagpapauna sa hari. 19 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ittai na Getheo, Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? bumalik ka at tumahan kang kasama ng hari: sapagka't ikaw ay taga ibang lupa at tapon pa: bumalik ka sa iyong sariling dako. 20 Yamang kahapon ka lamang dumating ay papagpapanhik manaugin na ba kita sa araw na ito na kasama namin, dangang ako'y yumayaon kung saan maaari? bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; kaawaan at katotohanan nawa ang sumaiyo. 21 At sumagot si Ittai sa hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang aking panginoon na hari, tunay na kung saan dumoon ang aking panginoon na hari, maging sa kamatayan o sa kabuhayan ay doroon naman ang iyong lingkod. 22 At sinabi ni David kay Ittai, Ikaw ay yumaon at magpauna. At si Ittai na Getheo ay nagpauna, at ang lahat niyang lalake, at ang lahat na bata na kasama niya. 23 At ang buong lupain ay umiyak ng malakas, at ang buong bayan ay tumawid: ang hari man ay tumawid din sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid, sa daan ng ilang.
24 At, narito, pati si Sadoc at ang lahat na Levita na kasama niya, na may dala ng kaban ng tipan ng Dios; at kanilang inilapag ang kaban ng Dios, at sumampa si Abiathar, hanggang sa ang buong bayan ay nakalabas sa bayan. 25 At sinabi ng hari kay Sadoc, Ibalik mo ang kaban ng Dios sa bayan: kung ako'y makakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, kaniyang ibabalik ako at ipakikita sa akin ang kaban at gayon din ang kaniyang tahanan. 26 Nguni't kung sabihin niyang ganito, Hindi kita kinalulugdan; narito, ako'y nandito, gawin niya; sa akin ang inaakala niyang mabuti. 27 Sinabi rin ng hari kay Sadoc na saserdote, Hindi ka ba tagakita? bumalik kang payapa sa bayan, at ang iyong dalawang anak na kasama ninyo, si Ahimaas na iyong anak, at si Jonathan na anak ni Abiathar. 28 Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang, hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo na magpatotoo sa akin. 29 Dinala nga uli sa Jerusalem ni Sadoc at ni Abiathar ang kaban ng Dios: at sila'y nagsitahan doon.
30 At umahon si David sa ahunan sa bundok ng mga Olibo, at umiiyak habang siya'y umaahon; at ang kaniyang ulo ay may takip, at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo ng bawa't isa, at sila'y nagsisiahon, na nagsisiiyak habang sila'y nagsisiahon. 31 At isinaysay ng isa kay David na sinasabi, Si Achitophel ay nasa nanganghihimagsik na kasama ni Absalom. At sinabi ni David, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na iyong gawing kamangmangan ang payo ni Achitophel.
32 At nangyari na nang si David ay dumating sa taluktok ng bundok, na doon sinasamba ang Dios, narito, si Husai na Arachita ay sumalubong sa kaniya, na ang kaniyang suot ay hapak, at may lupa sa kaniyang ulo: 33 At sinabi ni David sa kaniya, Kung ikaw ay magpatuloy na kasama ko ay magiging isang pasan ka nga sa akin. 34 Nguni't kung ikaw ay bumalik sa bayan, at sabihin mo kay Absalom, Ako'y magiging iyong lingkod, Oh hari; kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan, ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon: kung magkagayo'y iyo ngang masasansala ang payo ni Achitophel sa ikabubuti ko. 35 At hindi ba kasama mo roon si Sadoc at si Abiathar na mga saserdote? kaya't mangyayari, na anomang bagay ang iyong marinig sa sangbahayan ng hari, iyong sasaysayin kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote. 36 Narito nasa kanila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaas na anak ni Sadoc, at si Jonathan na anak ni Abiathar; at sa pamamagitan nila ay inyong maipadadala sa akin ang bawa't bagay na inyong maririnig. 37 Sa gayo'y si Husai na kaibigan ni David ay pumasok sa bayan; at si Absalom ay pumasok sa Jerusalem.