23 At nangyari, pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagpagupit ng mga tupa si Absalom sa Baal-hasor na nasa siping ng Ephraim: at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari. 24 At naparoon si Absalom sa hari, at sinabi niya, Narito ngayon, ang iyong lingkod ay nagpapagupit ng mga tupa; isinasamo ko sa iyo na ang hari at ang kaniyang mga lingkod ay magsiyaong kasama ng iyong lingkod. 25 At sinabi ng hari kay Absalom, Huwag anak ko, huwag tayong magsiyaong lahat, baka maging mabigat na pasan sa iyo. At pinilit niya siya: gayon ma'y hindi siya yumaon, kundi binasbasan siya. 26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Kung hindi isinasamo ko sa iyo, pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit siya sasama sa iyo? 27 Nguni't pinilit siya ni Absalom, na anopa't kaniyang pinasama sa kaniya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari. 28 At iniutos ni Absalom sa kaniyang mga lingkod na sinasabi, Tandaan ninyo ngayon, pagka ang puso ni Amnon ay sumaya dahil sa alak; at pagka ang aking sinabi sa inyo, Saktan ninyo si Amnon, patayin nga ninyo siya: huwag kayong mangatakot: hindi ba ako ang nagutos sa inyo? kayo nga'y magpakalakas, at magpakatapang. 29 At ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y nagsitindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay bawa't lalake sa kaniyang mula, at tumakas.
30 At nangyari, samantalang sila'y nasa daan, na ang balita ay dumating kay David, na sinasabi, Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabi isa man sa kanila. 31 Nang magkagayo'y bumangon ang hari at hinapak ang kaniyang mga suot, at humiga sa lupa; at lahat niyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot na hapak ang kanilang mga suot. 32 At si Jonadab na anak ni Simea na kapatid ni David, ay sumagot at nagsabi, Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagka't si Amnon lamang ang patay: sapagka't sa pasiya ni Absalom ay pinasiyahan ito mula sa araw na kaniyang dahasin ang kaniyang kapatid na si Thamar. 33 Ngayon nga'y huwag isapuso ng aking panginoon na hari ang bagay, na akalain ang lahat ng mga anak ng hari ay patay: sapagka't si Amnon lamang ang patay.