1 At nangyari, pagkatapos nito, na si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na babae na maganda, na ang pangala'y Thamar; at sininta siya ni Amnon na anak ni David. 2 At si Amnon ay totoong nagdamdam, na anopa't siya'y nagkasakit dahil sa kaniyang kapatid na kay Thamar; sapagka't siya'y dalaga; at inaakala ni Amnon na mahirap gawan siya ng anomang bagay. 3 Nguni't si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Simea na kapatid ni David: at si Jonadab ay isang lalaking totoong magdaraya. 4 At sinabi niya sa kaniya, Bakit, Oh anak ng hari, sa araw araw ay nangangayayat kang ganyan? hindi mo ba sasaysayin sa akin? At sinabi ni Amnon sa kaniya, Aking sinisinta si Thamar na kapatid ng aking kapatid na si Absalom. 5 At sinabi ni Jonadab sa kaniya, Mahiga ka sa iyong higaan, at magsakitsakitan ka: at pagka ang iyong ama ay naparoon upang tingnan ka, sabihin mo sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na bayaang ang aking kapatid na si Thamar ay pumarito, at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking paningin upang aking makita, at kanin sa kaniyang kamay. 6 Sa gayo'y nahiga si Amnon at nagsakitsakitan: at nang pumaroon ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, Isinasamo ko sa iyo na bayaang pumarito ang aking kapatid na si Thamar, at igawa ako ng dalawang tinapay na maliit sa aking paningin upang aking makain sa kaniyang kamay.
7 Nang magkagayo'y nagsugo si David sa bahay kay Thamar, na sinasabi, Pumaroon ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon, at ipaghanda mo siya ng pagkain. 8 Sa gayo'y naparoon si Thamar sa bahay ng kaniyang kapatid na si Amnon; at siya'y nakahiga. At siya'y kumuha ng isang masa, at minasa, at ginawang mga binilong tinapay sa kaniyang paningin, at niluto na mga munting tinapay. 9 At kinuha niya ang kawali, at mga ibinuhos sa harap niya; nguni't kaniyang tinanggihang kanin. At sinabi ni Amnon: Palabasin ang lahat na tao sa harap ko. At silang lahat ay lumabas, bawa't isa mula sa harap niya. 10 At sinabi ni Amnon kay Thamar: Dalhin mo rito sa silid ang pagkain, upang aking makain sa iyong kamay. At kinuha ni Thamar ang mga munting tinapay na kaniyang ginawa, at mga dinala sa silid kay Amnon na kaniyang kapatid. 11 At nang ilapit niya sa kaniya upang kanin, kaniyang tinangnan siya, at sinabi niya sa kaniya, Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko. 12 At sumagot siya sa kaniya, Huwag kapatid ko, huwag mo akong dahasin; sapagka't hindi marapat gawin sa Israel ang ganyang bagay: huwag kang gumawa ng ganitong kaululan. 13 At ako, saan ko dadalhin ang aking hiya? at tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga mangmang sa Israel. Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, magsalita ka sa hari, sapagka't hindi ipagkakait ako sa iyo. 14 Gayon ma'y hindi niya dininig ang kaniyang tinig: kundi palibhasa't siya'y malakas kay sa kaniya, dinahas niya siya, at sumiping sa kaniya.
15 Nang magkagayo'y kinapootan siya ni Amnon na may mahigpit na poot; sapagka't ang kapootan na kaniyang ikinapoot sa kaniya ay malaki kay sa pagsinta na kaniyang isininta sa kaniya. At sinabi ni Amnon sa kaniya, Bumangon ka, ikaw ay yumaon. 16 At sinabi niya sa kaniya, Huwag ganyan, sapagka't itong malaking kasamaan sa pagpapalabas mo sa akin ay higit kay sa iba na iyong ginawa sa akin. Nguni't ayaw niyang dinggin siya. 17 Nang magkagayo'y tinawag niya ang kaniyang alipin na nagaalaga sa kaniya, at sinabi, Ilabas mo ang babaing ito sa harap ko, at itrangka mo ang pintuan pagkalabas niya. 18 At siya'y may suot na sarisaring kulay: sapagka't ang mga gayong kasuutan ang isinusuot ng mga anak na dalaga ng hari. Nang magkagayo'y inilabas siya ng kaniyang alipin at tinarangkahan ang pintuan pagkalabas niya. 19 At binuhusan ni Thamar ng mga abo ang kaniyang ulo, at hinapak ang kaniyang suot na sarisaring kulay na nakasuot sa kaniya; at kaniyang ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniyang ulo, at ipinagpatuloy ang kaniyang lakad, na umiiyak ng malakas habang siya'y yumayaon.
20 At sinabi ni Absalom na kaniyang kapatid sa kaniya, Napasa iyo ba si Amnon na iyong kapatid? nguni't ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko: siya'y iyong kapatid; huwag mong isapuso ang bagay na ito. Sa gayo'y si Thamar ay nagpighati sa bahay ng kaniyang kapatid na si Absalom. 21 Nguni't nang mabalitaan ng haring si David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y totoong napoot. 22 At hindi nagsalita si Absalom kay Amnon kahit mabuti o masama man; sapagka't pinagtaniman ni Absalom si Amnon dahil sa kaniyang dinahas ang kaniyang kapatid na si Thamar.
23 At nangyari, pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagpagupit ng mga tupa si Absalom sa Baal-hasor na nasa siping ng Ephraim: at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari. 24 At naparoon si Absalom sa hari, at sinabi niya, Narito ngayon, ang iyong lingkod ay nagpapagupit ng mga tupa; isinasamo ko sa iyo na ang hari at ang kaniyang mga lingkod ay magsiyaong kasama ng iyong lingkod. 25 At sinabi ng hari kay Absalom, Huwag anak ko, huwag tayong magsiyaong lahat, baka maging mabigat na pasan sa iyo. At pinilit niya siya: gayon ma'y hindi siya yumaon, kundi binasbasan siya. 26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Kung hindi isinasamo ko sa iyo, pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit siya sasama sa iyo? 27 Nguni't pinilit siya ni Absalom, na anopa't kaniyang pinasama sa kaniya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari. 28 At iniutos ni Absalom sa kaniyang mga lingkod na sinasabi, Tandaan ninyo ngayon, pagka ang puso ni Amnon ay sumaya dahil sa alak; at pagka ang aking sinabi sa inyo, Saktan ninyo si Amnon, patayin nga ninyo siya: huwag kayong mangatakot: hindi ba ako ang nagutos sa inyo? kayo nga'y magpakalakas, at magpakatapang. 29 At ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y nagsitindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay bawa't lalake sa kaniyang mula, at tumakas.
30 At nangyari, samantalang sila'y nasa daan, na ang balita ay dumating kay David, na sinasabi, Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabi isa man sa kanila. 31 Nang magkagayo'y bumangon ang hari at hinapak ang kaniyang mga suot, at humiga sa lupa; at lahat niyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot na hapak ang kanilang mga suot. 32 At si Jonadab na anak ni Simea na kapatid ni David, ay sumagot at nagsabi, Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagka't si Amnon lamang ang patay: sapagka't sa pasiya ni Absalom ay pinasiyahan ito mula sa araw na kaniyang dahasin ang kaniyang kapatid na si Thamar. 33 Ngayon nga'y huwag isapuso ng aking panginoon na hari ang bagay, na akalain ang lahat ng mga anak ng hari ay patay: sapagka't si Amnon lamang ang patay.
34 Nguni't si Absalom ay tumakas. At ang bataan na nagbabantay ay tumanaw ng kaniyang mga mata, at tumingin, at, narito, dumarating ay maraming tao sa daan na mula sa burol, sa likuran niya. 35 At sinabi ni Jonadab sa hari, Narito, ang mga anak ng hari ay nagsisidating: kung ano ang sinabi ng inyong lingkod, ay nagkagayon. 36 At nangyari pagkatapos niyang makapagsalita, na, narito, ang mga anak ng hari ay nagsidating, at inilakas ang kanilang tinig at nagsiiyak: at ang hari naman at ang lahat niyang mga lingkod ay nagsiiyak na mainam.
37 Nguni't tumakas si Absalom at naparoon kay Talmai na anak ni Amiud na hari sa Gessur. At tinangisan ni David ang kaniyang anak araw araw. 38 Sa gayo'y tumakas si Absalom at naparoon sa Gessur, at dumoong tatlong taon. 39 At pinanabikan ng haring David na paroonan si Absalom: sapagka't siya'y naaliw na tungkol kay Amnon yamang patay na.