5 At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo. 6 At nang sila'y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka't ang mga baka ay nangatisod. 7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo'y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios. 8 At hindi minagaling ni David, sapagka't nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito. 9 At natakot si David sa Panginoon sa araw na yaon; at kaniyang sinabi, Paanong madadala rito ang kaban ng Panginoon sa akin? 10 Sa gayo'y hindi inilipat ni David ang kaban ng Panginoon sa kaniya sa bayan ni David, kundi iniliko ni David sa bahay ni Obed-edom na Getheo. 11 At ang kaban ng Panginoon ay natira sa bahay ni Obed-edom na Getheo na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kaniyang buong sangbahayan.
12 At nasaysay sa haring kay David, na sinasabi, Pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol sa kaniya, dahil sa kaban ng Dios. At yumaon si David at iniahon ang kaban ng Dios mula sa bahay ni Obed-edom, hanggang sa bayan ni David, na may kagalakan. 13 At nagkagayon na nang yaong mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghain ng isang baka at isang pinataba. 14 At nagsayaw si David ng kaniyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay nabibigkisan ng isang epod na lino. 15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sangbahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon, na may hiyawan, at may tunog ng pakakak.