1 At nang mabalitaan ni Is-boseth, na anak ni Saul, na si Abner ay patay na sa Hebron, ang kaniyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat na taga Israel ay nabagabag. 2 At si Is-boseth, na anak ni Saul, ay may dalawang lalake na mga punong kawal sa mga pulutong: ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng isa ay Rechab, na mga anak ni Rimmon na Beerothita sa mga anak ni Benjamin: (sapagka't ang Beeroth din naman ay ibinilang sa Benjamin: 3 At ang mga Beerothita ay nagsitakas sa Githaim, at nangakipamayan doon hanggang sa araw na ito.)
4 Si Jonathan nga na anak ni Saul, ay may isang anak na pilay sa kaniyang mga paa. Siya'y may limang taon nang dumating ang balita tungkol kay Saul at kay Jonathan na mula sa Jezreel, at kinalong siya ng kaniyang yaya at tumakas: at nangyari, habang siya'y nagmamadali ng pagtakas, na siya'y nabagsak, at naging pilay. At ang kaniyang pangalan ay Mephiboseth.
5 At ang mga anak ni Rimmon na Beerothita, na si Rechab at si Baana, ay nagsiyaon at nagsiparoon ng may kainitan ang araw sa bahay ni Is-boseth, na doon siya nagpahinga sa katanghalian tapat. 6 At sila'y nagsipasok doon sa gitna ng bahay, na parang sila'y kukuha ng trigo; at kanilang sinaktan siya sa tiyan; at si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid ay nangagtanan. 7 Sapagka't nang sila nga'y magsipasok sa bahay habang siya'y nahihiga sa kaniyang higaan sa kaniyang silid, kanilang sinaktan siya, at pinatay siya, at pinugutan siya ng ulo, at dinala ang kaniyang ulo at nagpatuloy ng lakad sa Araba buong gabi. 8 At kanilang dinala ang ulo ni Is-boseth kay David sa Hebron, at sinabi nila sa hari, Tingnan mo ang ulo ni Is-boseth na anak ni Saul na iyong kaaway na umuusig ng iyong buhay; at ipinanghiganti ng Panginoon ang aking panginoon na hari sa araw na ito kay Saul, at sa kaniyang binhi. 9 At sinagot ni David si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid, na mga anak ni Rimmon na Beerothita, at sinabi sa kanila, Buhay ang Panginoon na siyang tumubos ng aking kaluluwa sa buong kahirapan. 10 Nang saysayin sa akin ng isa, na sinasabi, Narito, si Saul ay namatay, na inakala niyang nagdala siya ng mabuting balita, ay aking hinawakan siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang kagantihang ibinigay ko sa kaniya dahil sa kaniyang balita. 11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalake ang isang matuwid na tao sa kaniyang sariling bahay, sa kaniyang higaan, hindi ko ba sisiyasatin ngayon ang kaniyang dugo sa inyong kamay, at aalisin kayo sa lupa? 12 At iniutos ni David sa kaniyang mga bataan, at pinatay nila sila, at pinutol ang kanilang mga kamay at ang kanilang mga paa, at mga ibinitin sa tabi ng tangke sa Hebron. Nguni't kanilang kinuha ang ulo ni Is-boseth, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.