1 At sinabi ng mga lalake ng Ephraim sa kaniya, Bakit ginawa mo sa amin ang ganyan, na hindi mo kami tinawag nang ikaw ay yumaong makipaglaban sa Madian? At siya'y pinagwikaan nilang mainam. 2 At sinabi niya sa kanila, Ano ang aking ginawa ngayon na paris ng inyo? Di ba mainam ang pagsimot ng ubas ng Ephraim kay sa pagaani ng sa Abiezer? 3 Ibinigay ng Dios sa inyong kamay ang mga prinsipe sa Madian, si Oreb, at si Zeeb, at ano ang aking magagawa na paris ng inyo? Nang magkagayo'y ang kanilang galit sa kaniya ay lumamig, nang kaniyang sabihin yaon.
4 At si Gedeon ay dumating sa Jordan, at siya'y tumawid, siya, at ang tatlong daang lalake na mga kasama niya, mga pagod na, ay humahabol pa. 5 At sinabi niya sa mga lalake sa Succoth, Isinasamo ko sa inyo na bigyan ninyo ng mga tinapay ang bayan na sumusunod sa akin; sapagka't sila'y mga pagod, at aking hinahabol si Zeba at si Zalmunna, na mga hari sa Madian. 6 At sinabi ng mga prinsipe sa Succoth, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo? 7 At sinabi ni Gedeon, Kaya, pagka ibinigay ng Panginoon, si Zeba at si Zalmunna sa aking kamay, ay akin ngang gagalusan ang inyong laman ng mga tinik sa ilang at ng mga dawag. 8 At inahon niya mula roon ang Penuel, at siya'y nagsalita sa kanila ng gayon din: at sinagot siya ng mga lalake sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalake sa Succoth. 9 At sinalita niya naman sa mga lalake sa Penuel, na sinasabi, Pagbabalik kong payapa, ay aking ilalagpak ang moog na ito.
10 Ngayo'y si Zeba at si Zalmunna ay nasa Carcor, at ang kanilang mga hukbo na kasama nila, na may labing limang libong lalake, yaong lahat na nalabi sa buong hukbo ng mga anak sa silanganan: sapagka't nabuwal ang isang daan at dalawang pung libong lalake na humahawak ng tabak. 11 At si Gedeon ay umahon sa daan ng mga tumatahan sa mga tolda sa silanganan ng Noba at Jogbea, at sinaktan ang hukbo; sapagka't ang hukbo ay tiwasay. 12 At si Zeba at si Zalmunna ay tumakas; at kaniyang hinabol sila: at kaniyang hinuli ang dalawang hari sa Madian, na si Zeba at si Zalmunna, at nalito ang buong hukbo.
13 At tinalikdan ni Gedeon na anak ni Joas ang pagbabaka, mula sa sampahan sa Heres. 14 At hinuli niya ang isang may kabataan sa mga lalake sa Succoth, at nagusisa siya sa kaniya: at ipinaalam sa kaniya ang mga prinsipe sa Succoth, at ang mga matanda niyaon na pitong pu't pitong lalake. 15 At sila'y naparoon sa mga lalake sa Succoth, at sinabi, Narito si Zeba at si Zalmunna, na tungkol sa kanila, ay inyo akong tinuya na inyong sinasabi, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga lalake na mga pagod? 16 At kaniyang kinuha ang mga matanda sa bayan, at mga tinik sa ilang at mga dawag, at sa pamamagitan ng mga yaon ay kaniyang tinuruan ang mga lalake sa Succoth. 17 At kaniyang inilagpak ang moog ng Penuel, at pinatay ang mga lalake sa bayan.
18 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi kay Zeba at kay Zalmunna. Anong mga lalake yaong inyong pinatay sa Tabor? At sila'y sumagot, Kung ano ikaw ay gayon sila; bawa't isa'y nahuhuwad sa mga anak ng isang hari. 19 At kaniyang sinabi, Sila'y aking mga kapatid, na mga anak ng aking ina: buhay ang Panginoon, kung inyong iniligtas sana silang buhay, disin hindi ko kayo papatayin. 20 At sinabi niya kay Jether na kaniyang panganay, Bangon, at patayin mo sila. Nguni't ang bata'y hindi humawak ng tabak: sapagka't siya'y natakot, dahil sa siya'y bata pa. 21 Nang magkagayo'y sinabi ni Zeba at ni Zalmunna, Bumangon ka, at daluhungin mo kami: sapagka't kung paano ang pagkalalake ay gayon ang kaniyang lakas. At bumangon si Gedeon, at pinatay si Zeba at si Zalmunna, at kinuha ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.