19 Sa gayo'y si Gedeon, at ang isang daang lalake na kasama niya ay napasa pinakahuling bahagi ng kampamento sa pasimula ng pagbabantay sa hating gabi, ng halos kahahalili lamang ng bantay: at sila'y humihip ng mga pakakak, at kanilang binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay. 20 At hinipan ng tatlong pulutong ang mga pakakak, at binasag ang mga banga, at itinaas ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga pakakak sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y naghiyawan, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon. 21 At sila'y nangakatayo, bawa't isa, sa kaniyang dako sa palibot ng kampamento: at ang buong hukbo ay tumakbo; at sila'y sumigaw at pinatakas nila. 22 At hinipan nila ang tatlong daang pakakak at inilagay ng Panginoon ang tabak ng bawa't isa laban sa kaniyang kasama, at laban sa buong hukbo: at tumakas ang hukbo hanggang sa Beth-sitta sa dakong Cerera, hanggang sa hangganan ni Abelmehola, sa siping ng Tabbat. 23 At ang mga lalake ng Israel ay nagpipisan, ang sa Nephtali, at ang sa Aser, at sa buong Manases, at hinabol ang Madian.
24 At nagsugo si Gedeon ng mga sugo sa buong lupaing maburol ng Ephraim, na sinasabi, Lusungin ninyo ang Madian, at agapan ninyo ang tubig, hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan. Sa gayo'y ang lahat ng mga lalake ng Ephraim ay nagkapisan, at inagapan ang tubig hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan. 25 At kanilang hinuli ang dalawang prinsipe sa Madian, si Oreb at si Zeeb: at kanilang pinatay si Oreb sa batuhan ni Oreb at si Zeeb ay kanilang pinatay sa pisaan ng ubas ni Zeeb, at hinabol ang Madian: at kanilang dinala ang mga ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gedeon sa dako roon ng Jordan.