15 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Nagsabi si Balaam na anak ni Beor, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi; 16 Siya'y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata: 17 Aking makikita siya, nguni't hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni't hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan. 18 At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang. 19 At mula sa Jacob ay magkakaroon ng isang may kapangyarihan, At gigibain niya sa bayan ang nalalabi.
20 At kaniyang minasdan ang Amalec, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ang Amalec ay siyang dating panguna sa mga bansa; Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapupuksa.
21 At kaniyang minasdan ang Cineo, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Matibay ang iyong dakong tahanan, At ang iyong pugad ay nalalapag sa malaking bato. 22 Gayon ma'y mawawasak ang Cain, Hanggang sa ikaw ay madalang bihag ng Assur.
23 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ay! sinong mabubuhay pagka ginawa ng Dios ito? 24 Datapuwa't ang mga sasakyan ay manggagaling sa baybayin ng Cittim. At kanilang pagdadalamhatiin ang Assur, at kanilang pagdadalamhatiin ang Eber, At siya man ay mapupuksa.
25 At si Balaam ay tumindig, at yumaon at bumalik sa kaniyang sariling dako: at si Balac naman ay yumaon ng kaniyang lakad.