Balaam's Third Oracle

Numbers 24

1 At nang makita ni Balaam na kinalugdan ng Panginoon na pagpalain ang Israel, ay hindi naparoon na gaya ng una na kumita ng pamahiin, kundi kaniyang itinitig ang kaniyang mukha sa dakong ilang. 2 At itinaas ni Balaam ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita ang Israel na tumatahan ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Dios ay sumakaniya.

3 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Si Balaam na anak ni Beor ay nagsabi, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi; 4 Siya'y nagsabi na nakarinig ng mga salita ng Dios, Na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata: 5 Pagka iinam ng iyong mga tolda, Oh Jacob, Ang iyong mga tabernakulo, Oh Israel! 6 Gaya ng mga libis na nalalatag, Gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, Gaya ng linaloes na itinanim ng Panginoon, Gaya ng mga puno ng sedro sa siping ng tubig. 7 Tubig ay aagos mula sa kaniyang pang-igib, At ang kaniyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, At ang kaniyang hari ay tataas ng higit kay Agag, At ang kaniyang kaharian ay mababantog. 8 Dios ang naglalabas sa kaniya sa Egipto; May lakas na gaya ng mabangis na toro: Kaniyang lalamunin ang mga bansa na kaniyang mga kaaway, At kaniyang pagwawaraywarayin ang kanilang mga buto, At palalagpasan sila ng kaniyang mga pana. 9 Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? Pagpalain nawa yaong lahat na nagpapala sa iyo, At sumpain yaong lahat na sumusumpa sa iyo.

10 At ang galit ni Balac ay nagningas laban kay Balaam, at pinaghampas niya ang kaniyang mga kamay; at sinabi ni Balac kay Balaam, Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, at, narito, iyong binasbasan totoo sila nitong makaitlo. 11 Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni't, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan. 12 At sinabi ni Balaam kay Balac, Di ba sinalita ko rin sa iyong mga sugo na iyong sinugo sa akin, na sinasabi, 13 Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain? 14 At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.

Next Book Next Book