1 At ang Israel ay tumahan sa Sittim, at ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab: 2 Sapagka't kanilang tinawag ang bayan sa mga hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios. 3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel. 4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel. 5 At sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, Patayin ng bawa't isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.
6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila'y umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 7 At nang makita ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay; 8 At siya'y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay natigil sa mga anak ni Israel. 9 At yaong nangamatay sa salot ay dalawang pu't apat na libo.