1 Kaya't sa paghihiwalay ng lahat na kasamaan, at lahat ng pagdaraya, at pagpapaimbabaw, at mga pananaghili, at ng lahat ng panglalait, 2 Gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang gatas na walang daya na ukol sa espiritu, upang sa pamamagitan nito'y magsilago kayo sa ikaliligtas; 3 Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya:
4 Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga, 5 Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.
6 Sapagka't ito ang nilalaman ng kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
7 Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapuwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok;
8 At, Batong katitisuran, at bato na pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga,
9 Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: 10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa.
11 Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo'y magsipagpigil sa mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa; 12 Na kayo'y mangagkaroon ng timtimang ugali sa gitna ng mga Gentil; upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw.