13 Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan; 14 O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti. 15 Sapagka't siyang kalooban ng Dios, na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo: 16 Na gaya nang kayo'y mga laya, at ang inyong kalayaan ay hindi ginagamit na balabal ng kasamaan, kundi gaya ng mga alipin ng Dios. 17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang pagkakapatiran. Mangatakot kayo sa Dios. Igalang ninyo ang hari.
18 Mga alila, kayo'y magsisuko na may buong takot sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi naman sa mababagsik. 19 Sapagka't ito'y kalugodlugod, kung dahil sa budhing ukol sa Dios ay magtiis ang sinoman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. 20 Sapagka't anong kapurihan nga, kung kayo'y nangagkakasala, at kayo'y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? nguni't kung kayo'y gumagawa ng mabuti, at kayo'y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito'y kalugodlugod sa Dios. 21 Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya: 22 Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: 23 Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid: 24 Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo. 25 Sapagka't kayo'y gaya ng mga tupang nangaliligaw; datapuwa't ngayon ay nangabalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa.