13 Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesucristo; 14 Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo'y na sa kawalang kaalaman: 15 Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; 16 Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal. 17 At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol ayon sa gawa ng bawa't isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangingibang bayan: 18 Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; 19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: 20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo, 21 Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios.
22 Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa: 23 Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.
24 Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta:
25 Datapuwa't ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailan man. At ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.