1 Huwag mong pagwikaan ang matanda, kundi pangaralan mo siyang tulad sa ama; ang mga kabataang lalake na tulad sa mga kapatid: 2 Ang mga babaing matatanda na tulad sa mga ina; at ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.
3 Papurihan mo ang mga babaing bao na tunay na bao. 4 Nguni't kung ang sinomang babaing bao ay may mga anak o mga apo, magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan, at magsiganti sa kanilang mga magulang: sapagka't ito'y nakalulugod sa paningin ng Dios. 5 Kaya't ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw. 6 Datapuwa't ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay. 7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman, upang sila'y mawalan ng kapintasan. 8 Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.
9 Huwag itala na gaya ng babaing bao samantalang walang anim na pung taon, na naging asawa ng isang lalake, 10 Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya'y nagalaga sa mga anak, kung siya'y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa. 11 Nguni't tanggihan mo ang mga batang babaing bao: sapagka't pagkakaroon nila ng masamang pita na hiwalay kay Cristo, ay nagsisipagnasang magasawa; 12 Na nagkakaroon ng kahatulan, sapagka't itinakuwil nila ang unang pananampalataya. 13 At bukod dito ay nangagaaral din naman na maging mga tamad, na nagpapalipatlipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na di nararapat. 14 Ibig ko ngang magsipagasawa ang mga batang babaing bao, magsipanganak, magsipamahala ng sangbahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anomang pagkadahilanan ng ikalilibak: 15 Sapagka't ang mga iba'y nagsibaling na sa hulihan ni Satanas. 16 Kung ang sinomang babaing nanampalataya ay may inaampong mga babaing bao, ay umabuloy sa kanila, at huwag pabigatan ang iglesia, upang maabuluyan nito ang mga tunay na bao.
17 Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo. 18 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya. 19 Laban sa matanda ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa dalawa o tatlong saksi. 20 Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama'y mangatakot. 21 Pinagbibilinan kita sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong ganapin ang mga bagay na ito na walang pagtatangi na huwag mong gagawin ang anomang pagayo. 22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan mong malinis ang iyong sarili. 23 Huwag kang iinom pa ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit. 24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan. 25 Gayon din naman ang mabubuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo'y hindi maaaring ilihim.
1 Ang lahat ng mga alipin na nangasa ilalim ng pamatok ay ariin ang kanilang mga panginoon na karapatdapat sa buong kapurihan, upang ang pangalan ng Dios at ang aral ay huwag malapastangan.