The New Life

Ephesians 4

17 Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip, 18 Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso; 19 Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman. 20 Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo; 21 Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. 22 At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; 23 At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, 24 At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.

25 Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa atin. 26 Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit: 27 Ni bigyan daan man ang diablo. 28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibigay sa nangangailangan. 29 Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig. 30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo'y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos. 31 Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala: 32 At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.

Next Book Next Book