1 Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag, 2 Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig; 3 Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan. 4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo; 5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, 6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat. 7 Datapuwa't ang bawa't isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo.
8 Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.
9 (Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya'y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.) 11 At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro; 12 Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: 13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: 14 Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; 15 Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo; 16 Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.