Walk in Love

Ephesians 5

1 Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal; 2 At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy.

3 Nguni't ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal; 4 O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo'y magpasalamat. 5 Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios. 6 Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway. 7 Huwag kayong makibahagi sa kanila; 8 Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan: 9 (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan), 10 Na inyong pinatutunayan ang kinalulugdan ng Panginoon; 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain; 12 Sapagka't ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim ay mahalay na salitain man lamang. 13 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay pagka sawata ay itinatanyag ng kaliwanagan: sapagka't ang lahat ng mga bagay na itinatanyag ay kaliwanagan.

14 Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo.

15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong; 16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama. 17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu; 19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon; 20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama; 21 Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.

Next Book Next Book