23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi: 24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador. 25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, bumabati. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, nang mapagtantong siya'y isang taga Roma. 28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin: 29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala. 30 At nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya.
31 Kaya't ang mga kawal, alinsunod sa iniutos sa kanila, ay kinuha si Pablo at dinala siya sa gabi sa Antipatris. 32 Datapuwa't nang kinabukasan ay pinabayaan nilang samahan siya ng mga kabayuhan, at nangagbalik sa kuta: 33 At sila, nang sila'y magsidating sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, ay iniharap din si Pablo sa harapan niya. 34 At nang mabasa niya ito, ay itinanong niya kung taga saang lalawigan siya; at nang maalamang siya'y taga Cilicia, 35 Pakikinggan kitang lubos, ang sabi niya, pagdating naman ng mga nagsisipagsakdal sa iyo: at ipinagutos na siya'y ingatan sa palasio ni Herodes.