12 At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila'y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo. 13 At mahigit sa apat na pu ang mga nagsipanumpa ng ganito. 14 At sila'y nagsiparoon sa mga pangulong saserdote at sa mga matanda, at nangagsabi, Kami ay nangagpanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anoman hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Ngayon nga kayo pati ng Sanedrin ay mangagpahiwatig sa pangulong kapitan na siya'y ipapanaog niya sa inyo, na waring ibig ninyong mahatulan ng lalong ganap ang sakdal tungkol sa kaniya: at kami, bago siya dumating ay nangahanda upang siya'y patayin.
16 Datapuwa't ang anak na lalake ng kapatid na babae ni Pablo ay narinig ang tungkol sa kanilang pagbabakay, at siya'y naparoon at pumasok sa kuta at isinaysay kay Pablo. 17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, Dalhin mo ang binatang ito sa pangulong kapitan; sapagka't siya'y may isang bagay na sasabihin sa kaniya. 18 Kaya't siya'y kinuha, at dinala siya sa pangulong kapitan, at sinabi, Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinamanhik sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito, na may isang bagay na sasabihin sa iyo. 19 At tinangnan siya ng pangulong kapitan sa kamay, at pagtabi ay lihim na tinanong siya, Ano yaong sasabihin mo sa akin? 20 At sinabi niya, Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa Sanedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kaniya. 21 Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagka't binabakayan siya ng mahigit na apat na pung katao sa kanila, na nangagsipagpanata sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay: at ngayo'y nangahahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo. 22 Kaya't pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kaniya, Huwag mong sasabihin sa kanino man na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito.