30 Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.
1 At si Pablo, na tumititig na mabuti sa Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito. 2 At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig. 3 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng laban sa kautusan? 4 At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios? 5 At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.
6 Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay. 7 At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan. 8 Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo. 9 At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel? 10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.
11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon sa Roma.