19 Yaon ngang nagsipangalat sa ibang lupain dahil sa kapighatian na nangyari tungkol kay Esteban ay nangaglakbay hanggang sa Fenicia, at sa Chipre, at sa Antioquia, na hindi nagsaysay kanino man ng salita kundi sa mga Judio lamang. 20 Datapuwa't may ilan sa kanila, mga taong taga Chipre at taga Cirene, na, nang sila'y magsidating sa Antioquia, ay nangagsalita naman sa mga Griego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus. 21 At sumasa kanila ang kamay ng Panginoon: at ang lubhang marami sa nagsisisampalataya ay nangagbalik-loob sa Panginoon. 22 At dumating ang balita tungkol sa kanila sa mga tainga ng iglesia na nasa Jerusalem: at kanilang sinugo si Bernabe hanggang sa Antioquia: 23 Na, nang siya'y dumating, at makita ang biyaya ng Dios, ay nagalak; at kaniyang inaralan ang lahat, na sa kapasiyahan ng puso ay magsipanatili sa Panginoon: 24 Sapagka't siya'y lalaking mabuti, at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya: at maraming tao ang nangaparagdag sa Panginoon. 25 At siya'y naparoon sa Tarso upang hanapin si Saulo; 26 At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia.
27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem. 28 At nagtindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo, at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakagutom ng malaki sa buong sanglibutan: na nangyari nang mga kaarawan ni Claudio. 29 At ang mga alagad, ayon sa kaya ng bawa't isa, ay nangagpasiyang magpadala ng saklolo sa mga kapatid na nangananahan sa Judea: 30 Na siya nga nilang ginawa, na ipinadala nila sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.